Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Pinay domestic helper (DH) na si Rhodora Alcaraz, matapos niyang iligtas ang inaalagaang sanggol sa gitna ng sunog na naganap sa Wang Fuk Court, Hong Kong kamakailan.
Sa isinagawang pagpapasinaya ng mga bagong pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at ang “Pamaskong Salubong para sa mga Bagong Bayani ng Bansa” nitong Martes, Disyembre 16, binigyang-diin ni PBBM na ang kabayanihang ginawa ni Alcaraz ay pagpapakita ng malasakit ng Pilipino sa kaniyang kapuwa.
“Nakita ko si [Rhodora] Alcaraz [na] isa sa mga biktima ng Tai Po fire. Nakita n’yo ba ‘yong napakalaking sunog na nangyari sa Hong Kong? Sa kabila ng panganib na kaniyang hinarap, pinili niyang iligtas ang sanggol na kaniyang inaalagaan,” panimula ni PBBM.
“Pinapakita nito ang likas na malasakit ng Pilipino sa kaniyang kapwa. Katulad ni Rhodora, ang bawat [Overseas Filipino Worker] OFW natin ay nagsisikap na mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya—sa kabila ng pangungulila at panganib,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Pangulo, sinisiguro ng gobyerno na naibibigay nito ang serbisyo para sa mga bagong bayani ng bansa, na aniya, nagdadala ng dangal sa bansa.
Matatandaang kinilala rin si Alcaraz ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kapuwa niya OFWs sa Hong Kong bilang isang “modern day hero,” dahil sa ipinamalas niyang malasakit at katapangan.
MAKI-BALITA: OFW sa Hong Kong kinilala sa katapangan, niligtas alagang sanggol sa sunog-Balita
KAUGNAY NA BALITA: Pinay DH na nagligtas sa alaga niyang sanggol, recovering na-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA