January 04, 2026

Home SHOWBIZ Musika at Kanta

Hindi nakakaaliw? Zsa Zsa Padilla nadismaya sa Aliw Awards, isasauli ang parangal

Hindi nakakaaliw? Zsa Zsa Padilla nadismaya sa Aliw Awards, isasauli ang parangal
Photo courtesy: Zsa Zsa Padilla (IG)

Usap-usapan ang social media post ni Divine Diva Zsa Zsa Padilla matapos ibahagi ang kaniyang pagkadismaya sa naging takbo ng paggawad ng "Lifetime Achievement Award" ng Aliw Awards Foundation nitong Lunes, Disyembre 15.

Ayon sa pahayag ni Zsa Zsa, labis ang kaniyang tuwa nang malamang siya ay napili para sa prestihiyosong parangal, isang pagkilalang sumasaklaw sa kaniyang 42 taong pananatili sa industriya, lalo na sa larangan ng musika.

Hindi na umano siya naghanda ng speech na sasambitin niya sa acceptance ng parangal dahil aniya, mas nais niyang magsalita mula sa puso bilang pasasalamat sa mga producer na sumugal ng puhunan para sa mga concert niya, sa mga direktor, musical directors, musikero, manunulat, production teams, kapwa artista, at higit sa lahat, sa tapat na manonood.

Kasama rin niya noong gabing iyon ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya na patuloy na nagbibigay ng suporta at inspirasyon.

Musika at Kanta

Tawag sa kaniya, ‘Maui Wowie!’ Darren, natuwa sa pag-viral ng ‘Maui Wowie’ performance

Ngunit imbes na maging rurok ng karangalan ang gabi, nauwi ito sa matinding pagkabigla at pagkadismaya. Ibinahagi ng awardee na sabay-sabay na tinawag sa entablado ang lahat ng tatanggap ng Lifetime Achievement Award, subalit tatlo lamang ang naroon: siya, si Asia's Nightingale Lani Misalucha para sa live performance, at si Frankie Asinero para sa classical music.

Matapos iabot ang mga tropeo sa kanila, naghintay raw sila sa pag-aakalang bibigyan ng pagkakataong makapagsalita. Sa halip, isang production staff ang sumenyas sa kanila na bumaba na ng entablado.

“Wala ba man lang tayong speech?!" natanong na lang daw niya kay Lani, bago sila tuluyang sumunod at bumaba. Habang palabas ng ballroom, isang vlogger ang nagtanong sa kaniya ng saloobin tungkol sa parangal, at doon pa lamang niya naibigay ang sana'y acceptance speech na inakala niyang masasabi niya sa harapan ng lahat, matapos tanggapin ang tropeo.

"I was still dumbfounded by how the awarding was handled. To be dismissed so abruptly after supposedly being 'honored' was shocking and embarrassing. What was the point of being there with our families?" aniya.

Direktang mensahe niya sa pamunuan ng Aliw Awards, "So, Aliw, please do better."

"Honor people properly. Prepare video presentations explaining why recipients are being given Lifetime Achievement Awards. I am familiar with the body of work of Lani Misalucha, as well as fellow recipients Gary Valenciano and Jed Madela. It would have been truly interesting and meaningful to learn more about Mr. Arturo Luis Pio’s work, as well as Mr. Frankie Asinero’s contributions."

Binanggit din niya na ang iba pang awardees noong gabi ring iyon ay nabigyan ng pagkakataong magsalita. Halimbawa na rito ang tinaguriang "Fearless Diva" na si Jona, gayundin si Rachel Alejandro.

"Everyone else that evening was given the chance to speak after receiving their awards. In fact, a speech was even read by a representative following our segment. When Jona won, she was still in her plain clothes, yet production waited until she could step onstage to receive her award. Rachel Alejandro arrived late but still received an award for a colleague and was able to give a short thank-you speech that evening."

"What was missing was sincerity," aniya pa.

Sa halip daw na maramdaman niya ang pagkilala sa kaniya, kabaligtaran daw ang naramdaman niya. Kaya naman, ipinasya ni Zsa Zsa na ibalik o isauli sa kanila ang tropeo. Umaasa raw si Zsa Zsa na ang naging hakbang niya ay magsisilbing aral upang sa hinaharap, ang mga pararangalan, lalo na raw ang mga nag-alay ng halos buong buhay sa sining, ay mabigyan ng pagkilalang may tunay na respeto at pagpapahalaga.

"Instead of feeling honored, I was left feeling small as I walked off that stage. For that reason, I am returning the award to you. I hope you understand this gesture and take it as an opportunity to learn how to honor your recipients with the respect they deserve," aniya.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o opisyal na pahayag ang pamunuan ng Aliw Awards hinggil sa sentimyento ni Zsa Zsa.