December 18, 2025

Home FEATURES Trending

French fries outlet, nilansihan franchisee matapos umanong maghain ng business proposal?

French fries outlet, nilansihan franchisee matapos umanong maghain ng business proposal?
Photo Courtesy: Pexels

Usap-usapan sa social media ang testamento ng isang netizen tungkol sa pananalansi umano ng isang french fries outlet sa kanilang franchisee.

Batay sa kumakalat na screenshot ng social media post ng Thread user na si "yoyo_b0i," may kaibigan umano siyang sumubok mag-franchise ng Potato Corner. 

"Pinag-submit sila ng proposal including kung saan ang location nila, bakit maganda do'n at sino ang magiging target audience. After nila, i-submit confident ang friend ko kasi maganda raw pagkakagawa niya ng proposal,” lahad ng Thread user.

Dagdag pa niya, “After ilang weeks, ilang months though hindi sila binalikan ni Potato Corner tapos 'yong exact location na nilagay niya do'n sa proposal niya do'n mismo nagtayo ng bagong branch si PC.”

Trending

KILALANIN: Sino si Anna Liza Logan, ang bagong chief presidential legal counsel?

Ganito rin halos ang kuwento ng isang pang Thread user na nagkomento sa post ni "yoyo_b0i." Aniya, may isang kliyente umano sa Parkmall Cebu na matagal nang franchisee ng nasabing french fries outlet.

Pero nang matuklasan ng kompanya na malakas ang sales ng franchisee sa nasabing lokasyon, hindi na ito pinag-renew ng kontrata.

Matapos nito, nagbukas ang Potato Corner doon ng company-owned store.

Kaya naman maging si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ay nakisawsaw din sa naturang isyu.

“Totoo ba? Tapos yung hanap nila na staff mas mataas pa sa requirements para sa pagka Presidente ng Pilipinas pero ang suweldo apakaliit,” ani Guanzon.

Matatandaang naging sentro din ng usapan ang Potato Corner noong 2023 dahil sa mataas na standard na hinahanap nito sa sa isang service crew.

Kaugnay na Balita: Bryan Boy: ‘Qualified ba po kami sa Potato Corner?’

Samantala, sinubukan naman ng Balita na hingin ang panig ng french fries outlet hinggil sa lumulutang na isyu ngunit wala pa silang tugon o reaksiyon.