December 17, 2025

Home BALITA Eleksyon

Comelec: Mahigit 900K botante rehistrado na para sa BSKE 2026

Comelec: Mahigit 900K botante rehistrado na para sa BSKE 2026
MB FILE PHOTO

Umaabot na sa mahigit 900,000 botante ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) 2026.

Batay sa datos ng Comelec na ibinahagi sa media, nabatid na hanggang nitong Disyembre 14 lamang ay nakatanggap na ang poll body ng kabuuang 962,615 aplikasyon para sa naturang halalan na idaraos sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.

Sa naturang bilang, 223,282 ang nagpatala para sa Sangguniang Kabataan (SK) o yaong 15 hanggang 17-taong gulang habang 739,333 naman ang regular voters o yaong nagkaka-edad ng 18-taong gulang pataas.

Para sa SK voters, mayroong 218,801 ang new registrants habang 918 ang nagpa-transfer mula sa isang lungsod o munisipalidad patungo sa ibang lungsod o munisipalidad habang 279 naman ang nagpalipat ng rehistro sa loob ng kaparehong lungsod o munisipalidad.

Eleksyon

#BalitaExclusives: Malawak na alyansa ng oposisyon vs VP Sara sa 2028 elections, posible nga ba?

Ang aplikasyon naman para sa bagong regular voters ay nasa 262,974 na habang mayroon ring 38,572 na nag-aplay para sa reactivation ng kanilang rehistro.

Anang Comelec, ang pinakamalaking bilang ng registrants ay naitala sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 203,438; na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 114,820;  Region III (Central Luzon) na may 114,628;  Region VII (Central Visayas) na may 53,524 at Region XI (Davao) na may 51,647 na registrants.

Samantala, mayroon rin naitala ang Comelec na 2,011 registrants na nag-aplay para sa Special Register Anywhere Program (SRAP) site sa Comelec main office sa Intramuros, Manila.

Matatandaang ang nationwide voter registration para sa BSKE 2026 ay nagpatuloy noong Oktubre 20, 2025 at magtatagal hanggang sa Mayo 18, 2026.

Hindi naman kasama dito ang mga lugar sa Bangsamoro, na magkakaroon umano ng sariling voter registration. Target ng Comelec na makapagtala ng 1.4 milyong botante para sa BSKE 2026.