Nagbigay ng pahayag ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa araw-araw na pagdarasal at ang koneksyon nito sa tradisyon ng Simbang Gabi.
Sa panayam ng DZMM Teleradyo sa Executive Secretary ng CBCP Commission on Public Affairs na si Fr. Jerome Secillano nitong Martes, Disyembre 16, sinabi niyang huwag na raw hintayin pa ang pagsapit ng Simbang Gabi upang magdasal at magpunta ng simbahan.
“Huwag na tayong maghintay ng Simbang Gabi—araw-araw puwede tayong magdasal, puwede tayong pumunta ng simbahan, ‘yon na lang sabi ko pronounced itong ganitong pagdiriwang,” saad ni Secillano.
“Dahil unang-una, 9 days [ito]. Tapos e papalapit ‘yong Pasko…. Tapos naging bahagi ito ng kultura natin bilang mga Pilipino kaya [nandoon] talaga ‘yong pokus ng taumbayan pero ‘yon nga lang, ang panawagan ko [r]ito, kung mananawagan ako sa kanila, ‘yong pagdarasal [ay] hindi lamang dapat [ginagawa tuwing] Simbang Gabi, araw-araw magdasal tayo,” dagdag pa niya.
Giit pa niya, ito raw ang pinaka-basic na dapat maunawaan ng mga Pilipino patungkol sa paggunita ng Simbang gabi.
“Kasi may mga bagay talaga sa mundong ito na hindi natin kakayanin e. ‘Yong mensahe ngayon sa mga pagbasa [at] sa mga susunod na araw, laging babanggitin ‘yan, walang hindi mapangyayari ang Diyos. In other words, walang imposible sa Diyos. So kaya ‘yong pagdarasal natin, that’s actually having resort to our God, who can do the impossible. So ‘yon ang pinaka-basic na dapat maintindihan ng mga kababayan po natin,” pagtatapos niya.
Sa tradisyon ng mga Pilipino, pinaniniwalaang matutupad ang anumang hilingin ng isang tao kung makukumpleto niya ang 9 na Simbang Gabi.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano malalaman kung ang ginagawa mo ay “Simbang Gabi” o “Simbang Tabi?”-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA