December 18, 2025

Home BALITA National

Cardinal Advincula: 'Ang bawat isa ay may puwang sa simbahan'

Cardinal Advincula: 'Ang bawat isa ay may puwang sa simbahan'
Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula via CBCP News

'Ang bawat isa ay may puwang sa simbahan.'

Ito ang tiniyak ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula matapos na pangunahan ang isang banal na misa para sa unang araw ng Simbang Gabi na idinaos sa Manila Cathedral, sa Intramuros, Manila nitong Martes, Disyembre 16.

Sa kaniyang homiliya, sinabi rin ni Advincula na ang mga tao na unang pagkakataon pa lamang na papasok sa simbahan ay dapat na mainit na tanggapin.

Gayundin aniya yaong matagal nang lumayo sa simbahan ngunit nagdesisyong bumalik muli, mga taong may mabigat na pasanin o di kaya ay sugatan ang mga puso.

National

'Masaganang Pasko!' Lotto ticket na nabili sa Rizal, wagi ng ₱49.1M sa Lotto 6/42!

“Ang Simbang Gabi ay isang makahulugang tradisyon sa Katolikong Pilipino. Sa loob ng siyam na araw, ihahanda natin ang sarili sa pagdating ng ating Tagapagligtas,” ayon kay Advincula.

“Habang papalapit ang Pasko, nakikipaglakbay tayo kay Maria at hinihiling ang palaging tulungan tayong tanggapin ang kanyang Anak sa ating puso,” dagdag pa niya.

Aniya pa, “Ang simbahan ay hindi lamang sa nag-aakalang karapat-dapat.”

Kaugnay nito, nanindigan pa ang Cardinal na higit lamang magdudulot ng pagkakawatak-watak kung itataboy ang mga taong nagdudulot ng sakit sa atin at ang tatanggapin lamang ay yaong sumasang-ayon sa atin.

Paliwanag niya, may mga pagkakataong ang mundo ay lumiliit dahil pinuprotektahan lamang natin ang ating sarili.

Gayunman, ang puso aniya ng Panginoon ay hindi maliit at nais Niyang mapalapit ang lahat sa Kanya.

Nanawagan din si Advincula na buksan natin ang ating mga puso at maging isang nagkakaisang simbahan na nagpapakita ng pag-ibig at pagmamahal ni Hesukristo.