December 17, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Bianca nagpaantig engkuwentro sa delivery rider: 'A little patience goes a long way!'

Bianca nagpaantig engkuwentro sa delivery rider: 'A little patience goes a long way!'
Photo courtesy: Bianca Gonzalez (X)

Pinuri ng netizens ang Kapamilya TV host na si Bianca Gonzalez matapos niyang ibahagi sa X (dating Twitter) ang isang makabuluhang karanasan niya sa isang delivery rider.

Sa kaniyang post nitong Martes ng gabi, Disyembre 16, na nagsimula sa linyang “A little patience goes a long way. Story time!” ikinuwento ni Bianca ang naging karanasan niya matapos umorder ng pagkain mula sa isang paborito niyang restaurant sa GrabFood.

Ayon sa TV host, napansin niyang bagong pangalan ang rider na nag-accept ng kaniyang order, taliwas sa mga nakasanayan na niyang delivery riders sa kanilang lugar.

“Maya-maya, nag-message si Kuya saying may village fee daw siyang babayaran,” ani Bianca.

Tsika at Intriga

Jellie Aw, napa-Britney Spears na lang: 'Hit me baby, one more time!'

Dagdag pa niya, ilang beses na raw siyang umorder mula sa naturang restaurant ngunit ngayon lang niya naranasan ang ganoong singil. Gayunman, maayos pa rin ang kaniyang naging tugon: “Okay Kuya, dagdag ko na lang mamaya.”

Ilang sandali pa, nag-message muli ang rider at sinabing magbabayad pa raw siya ng parking fee. Dito na raw naramdaman ni Bianca na tila naha-hassle ang rider, kaya ipinaliwanag niya na sa karaniwan nilang Grab orders ay wala namang dagdag na bayad sa parking at may nakalaang rider parking sa mall na pinanggalingan ng order.

“Inisip ko rin na baka hindi siya taga-area namin,” dagdag pa ng host.

Pagdating ng rider sa kanilang bahay, ginawa nila ang kanilang nakasanayan at binigyan ito ng maliit na supot ng meryenda. Ayon kay Bianca, dito na raw biglang naging apologetic ang rider.

Ikinuwento umano ng rider na inabutan siya ng ulan at matinding holiday traffic, at bago lamang siya sa kanilang lugar kaya hindi pa niya kabisado ang mga daan at parkingan. Kahit pagod, sinabi pa raw nito na nagpapasalamat siya dahil marami siyang bookings.

“Nag-thank you siya sa cookies, he ate one right away, and before riding off, he said thank you and greeted us Merry Christmas,” ani Bianca.

Dahil dito, sinabi ng Kapamilya host na nais niyang ibahagi ang kanyang karanasan bilang paalala sa lahat, lalo na ngayong abalang panahon ng Kapaskuhan.

“We’re all dealing with a LOT ngayong December, and a little compassion goes a long way,” pahayag niya.

Partikular niyang binigyang-diin ang kalagayan ng mga nagtatrabaho sa service industry—riders, drivers, security guards, at enforcers—na araw-araw humaharap sa matinding trapiko at holiday rush.

Dagdag pa niya, “Totoo talaga na we never know what someone else is carrying, and choosing to be kinder is a big part of the meaning of this season.”

Bilang pagtatapos, hinikayat ni Bianca ang publiko na huminga muna at mag-isip bago tumugon kapag may hindi inaasahang aberya, lalo na sa mga araw papalapit sa Pasko.

“Especially in these crazy days leading up to Christmas, when something throws us off, let's take a deep breath and a moment before we respond… it can make or break someone else's and your day.”

Umani ng positibong reaksiyon mula sa netizens ang post ni Bianca, na nagsabing napapanahon at mahalagang paalala ito sa pagiging mas maunawain, mas mahinahon, at mas makatao, siyempre hindi lamang tuwing Kapaskuhan, kundi sa araw-araw.