December 18, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Mga panindang parte ng makulay na Simbang Gabi sa Tondo

#BalitaExclusives: Mga panindang parte ng makulay na Simbang Gabi sa Tondo
Photo courtesy: Sean Antonio/BALITA

Nagliwanag nang muli ang mga kalsada mula sa kutitap ng mga palamuting nakasabit sa mga simbahan sa opisyal na pagsisimula ng mga misa para sa simbang gabi noong Lunes, Disyembre 15. 

Bukod sa mga palamuting ito at tunog ng kampana, pumupukaw rin ng atensyon ng mga mamamayan ang iba’t ibang paninda na nakapuwesto sa gilid para sa maagang almusal ng mga ito bago at pagkatapos ng misa. 

Sa Gagalangin, Tondo, Maynila, ilan sa mga panindang pinipilahan ng mga tao ay puto bumbong, bibingka, mga kutkutin tulad ng mani at cornicks, at burger stand na mayroon ding fries, lemonade, at cheese stick. 

Sa pag-iikot ng Balita rito, unang nakapanayam ng team ang may-ari ng “Globet’s Special Bibingka” na parte na ng mga simbang gabi sa Tondo simula pa 1996. 

Human-Interest

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Glory, ang owner ng “Globet’s Special Bibingka” kasama ang asawa niya, ibinahagi nilang bagama’t all-year round ang pagluluto nila ng Bibingka, peak season nila ang “ber months,” at tuwing simbang gabi, dinadagsa raw talaga sila simula 8 PM. 

Base rin daw sa mga suki nila, binabalik-balikan daw talaga ang kanilang bibingka dahil hindi nagbabago ang lasa nito kahit lumamig at nananatili itong malambot. 

“Sabi ng mga bumibili [sa amin] at ‘yong ano namin, kahit malamig na [‘yong bibingka], hindi siya tumitigas. Kinabukasan, malambot pa rin,” saad ni Glory. 

Dahil daw dito, may mga suki sila na binabaon at pinapasalubong pa ito sa ibang bansa,’ yong iba naman daw ay nilalagay muna ito sa freezer at iinitin na lamang. 

Ang ilan naman ay dayo pa mula sa iba pang mga lungsod, habang ang ibang costumers nila ay nagpapa-deliver pa online. 

Kaya mula sa mga kinikita ng tindahan, napagtapos nilang mag-asawa ang dalawang anak nila sa private school. 

“Napagtapos ko ‘yong dalawang anak ko dito, private school, simula kinder. Kasi three weeks old pa lang ‘yong panganay ko, nagtitinda na kami. Ngayon may anak na rin siya,” ani Glory. 

Bukod pa rito, sa tindahan din daw kinukuha ang gastusin nila sa pang-araw-araw. 

Isa pa sa mga nakapanayam ng Balita ay si Leanne at Kimberly, na vendors naman ng fried snacks tulad ng burger, fries, cheese sticks, siomai, at lemonade. 

Ibinahagi nila na bagama’t unang taon nilang magbenta sa tabi ng St. Joseph Parish, nababawi naman daw ang kapital nila, at inaasahan pa ang patuloy na paglaki nito sa mga susunod pang gabi hanggang Disyembre 24. 

“Para sa akin po, kahit maliit ang tubo, kung marami kang customers dadami ‘yan. Ang maliit, pag dumami, malaki,” saad ni Leanne. 

Kapag hindi naman daw holiday season, si Leanne ay rumaraket sa online selling ng mga bilao, habang si Kimberly ay tumutulong sa bahay nila. 

Para matiyak na mas makabenta pa,  2 PM pa lang daw ay nasa puwesto na sila para ihanda ang mga paninda nila.

Mula rito, hanggang 10 PM na raw sila magtitinda, at babalik ng 3 AM para antabayanan ang misa. 

Sean Antonio/BALITA