Hindi naniniwala si Mark Arjay Reyes, ang groom-to-be ng nawawalang bride-to-be na si Sarah “Sherra” De Juan, na isang kaso ng tinaguriang “runaway bride” ang sinapit ng kanyang kasintahan, taliwas sa mga kumakalat na espekulasyon ng ilang netizen sa social media.
Si Sherra ay iniulat na nawawala matapos umalis ng bahay sa North Fairview, Quezon City, kung saan ayon sa impormasyong nakasaad sa mga ipinamahaging poster, huli siyang namataan sa North Fairview Petron noong Disyembre 10, 2025. Habang isinusulat ang artikulong ito, ikalimang araw na ng patuloy na paghahanap sa kanya.
Bilang tulong sa agarang pagkakatagpo kay Sherra, nag-alok ang pamilya ng ₱20,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagtukoy ng kanyang kinaroroonan.
Lubhang emosyonal ang naging pahayag ni Mark sa social media—isang araw na sana’y unang araw nila bilang mag-asawa.
Maging ang ina ni Sherra na si Tita De Juan, nakiusap na rin sa publiko na sana'y maibalik nang maayos sa kanila ang anak.
"Kung nanonood ka man anak, nandito si Mama, naghihintay sa 'yo, kung sinuman ang nakakakita, ibalik n'yo sa akin nang maayos po, at kung siya man po ay... kung sinuman po ang kumuha sa kaniya, siguro po ay may kapatid ka naman po siguro na babae o anak po," aniya.
"Ibalik mo po sa akin si Sherra, maayos po, kasi naghihintay kami ng mga kapatid niya, Papa niya, lalong-lalo na si Mark na magiging asawa niya, naghihintay po," saad pa ni Tita.
Kaugnay na Balita: 'Nandito si Mama, naghihintay sa 'yo!' Nanay ng nawawalang bride-to-be, nanawagang maibalik nang maayos ang anak
Umaasam din ang nanay na sana raw ay hipuin ng Panginoon ang isip at puso ng taong umano'y kumuha raw sa anak, na maibalik sa kaniya.
Samantala, bumuo na rin ng special investigation team ang Quezon City Police District (QCPD) para imbestigahan ang pagkawala ng bride.
Ayon sa ulat, sinabi ni QCPD spokesperson PCapt. Febie Madrid na bumuo na sila ng trackers team sa iba't ibang police units para magbigay ng assistance sa Fairview Police Station, na nangunguna sa imbestigasyon sa pagkawala ni De Juan.
Kaugnay na Balita: QCPD, bumuo ng special team para imbestigahan pagkawala ng bride-to-be sa QC
Sa eksklusibong panayam ng Balita noong Linggo, Disyembre 14, ibinahagi ni Mark na bagama’t naireport na nila sa pulisya ang pagkawala ni Sherra, wala pa rin umanong malinaw na lead hanggang sa kasalukuyan.
“Wala pa rin pong lead. ’Yong same [copy] CCTV namin no’ng first day ng paghanap namin, ’yon pa rin ang meron kami,” ani Mark.
Mas lalong pinahirap ang paghahanap dahil naiwan umano ni Sherra ang kanyang cellphone sa bahay noong araw na siya ay nawala.
Ayon kay Mark, hindi nadala ng nobya ang telepono dahil ito ay naka-charge. Ang huling mensahe raw na natanggap niya mula kay Sherra ay: "Gora na me Mahal. Di ko na dalhin cp nag charge pa e.”
Bago tuluyang mawalan ng komunikasyon, nagpaalam umano si Sherra na bibili lamang ng wedding shoes para sa kanilang nalalapit na kasal.
Patuloy ang panawagan ni Mark, ng pamilya, at ng mga kaibigan ni Sherra sa publiko na makipag-ugnayan agad sa kanila o sa pinakamalapit na awtoridad sakaling may makita o malaman na makatutulong sa kaso.
Sa panibagong post ni Mark, nagpasalamat siya sa lahat ng mga taong tumutulong at nagpapahatid ng encouraging words at moral support sa kanila.
"To all our friends, colleagues and loved ones, we are beyond grateful to have you. In this time of pain, fear, and uncertainty, your prayers, messages, and support give us strength to keep going."
"We will do everything we can to find Sarah. We will never lose hope. We placed our complete trust in the Lord believing that He is watching over Sarah and guiding her safely back to us."
"We will never give up. We will never stop believing. With faith, love, and your continued prayers, we believe that Sarah will be home very soon," aniya pa.
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Babaeng ikakasal na sana, ilang araw nang nawawala; fiancé, umapela ng tulong
Sa eksklusibong panayam muli ng Balita kay Mark noong Lunes, Disyembre 15, sinabi niyang isa na namang araw ang lumipas na wala pa ring bagong lead sa pagkawala ng kanyang fiancée.
Nang tanungin kung may iniisip ba siyang taong posibleng may kinalaman sa insidente, mariin niyang itinanggi ito.
Ayon kay Mark, wala umanong kaaway si Sherra, at lalo niyang hindi matanggap ang paratang na sinadya nitong tumakas bago ang kasal.
“Si Lord na lang po ang bahala sa kanila,” ani Mark kaugnay ng mga espekulasyon.
"Kaming pamilya po ang mas nakakaalam ng nangyayari."
"Siya ang pinaka-excited sa aming lahat," aniya pa, kaya hindi raw magagawa ng kasintahan na takbuhan ang kanilang kasal.
Habang patuloy ang imbestigasyon at paghahanap, umaasa ang pamilya at mga mahal sa buhay ni Sherra na madiskubre ang katotohanan at mabigyan ng linaw ang kanyang biglaang pagkawala, sa halip na manaig ang mga haka-haka sa social media.
Maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero:
0967-1270-266
0917-8368-166
0912-3353-694
Maaari ding makipag-ugnayan sa social media account ni Mark kung sakaling may lead kay Sherra.