December 18, 2025

Home BALITA National

4 na lalaki, arestado; higit ₱44M halaga ng shabu, marijuana atbp., narekober

4 na lalaki, arestado; higit ₱44M halaga ng shabu, marijuana atbp., narekober
Photo courtesy: PNP


Timbog ang apat na lalaking high-value individuals (HVI) at mahigit ₱44 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng ilegal na droga ang nakumpiska ng awtoridad matapos ikasa ang isang malawakang anti-drug drive sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Lunes, Disyembre 15, isinagawa ang malawakang anti-illegal drug operation mula noong Linggo, Disyembre 14 hanggang Lunes, Disyembre 15.

Sa lalawigan ng Rizal, nasakote ang isang HVI sa Brgy. Mambog, Binangonan matapos masamsaman ng aabot sa 1,676.52 gramo ng shabu, na may standard drug price na ₱11,400,336.

Tiklo naman sa Tagbilaran City, Bohol ang tatlong HVI matapos marekober mula sa kanila ang 3,169.9 gramo ng shabu, na tinatayang aabot sa ₱21,555,320 ang halaga.

Nagsagawa rin ng isang marijuana eradication operation ang PNP sa Sitio Proper, Mocgao, Brgy. Badeo, Kibungan, Benguet, kung saan nasabat nila ang halos 20,400 piraso ng full grown marijuana plants (FGMJPs) at 2,700 gramo ng marijuana, na may presyong aabot sa ₱4,404,000.

Sa Brgy. Urdaneta, Makati City naman, nakumpiska ang dalawang unattended eco-bags na naglalaman ng 3,665 ecstasy tablets, 437 gramo ng marijuana kush, 18 marijuana oil vape cartridges, at 42 gramo ng cocaine—na may halagang ₱7,131,500.

Sumatotal, aabot sa ₱44,490,786 ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga.

Nagbigay naman ng pahayag si Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. kaugnay sa matagumpay na operasyong ikinasa ng ahensya.

"Hindi lamang ito operasyon sa droga; bawat pagkakahuli ay hakbang para masiguro ang kaligtasan ng bawat komunidad. We are committed to supporting President Marcos’ vision of a safer, drug-free Philippines," panimula ni Nartatez.

Dagdag pa niya, "These numbers represent real lives saved from the dangers of illegal drugs. This is what our PNP Focus agenda is all about. We are working not only to enforce the law but to make sure the public truly feels our presence and our commitment to their safety.”

Ang mga nasakoteng suspek ay nasa kustodiya na ng awtoridad upang masiguro ang kanilang tamang disposisyon at wastong dokumentasyon.

Isinumite na rin sa kinauukulan ang mga nakalap na ilegal na droga upang masuri at padaanin sa isang laboratory examination.

Vincent Gutierrez/BALITA

National

'Fresh bloods!' DPWH, sisimulan 'massive recruitment' sa mga unibersidad, kolehiyo sa 2026