Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), na wala pa raw natatanggap na impormasyon ang embahada ng Pilipinas sa Portugal, hinggil sa mga ulat na doon nagtatago si dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa isang radio interview noong Linggo, Disyembre 14, 2025, iginiit ni DFA Spokesperson Assistant Secretary Angelica Escalona na wala pa raw isinusumiteng report ang Philippine Embassy mula sa Portugal.
"Wala pa po silang impormasyon na naibigay sa amin. Wala pang report," ani Escalona.
Matatandaang nauna nang iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang posibilidad na may hawak na Portuguese passport si Co at nagtatago sa nasabing bansa.
“Hindi ako nawawalan ng pag-asa kasi maliit ang mundo at lalong lumiliit ang mundo niya [Zaldy Co]. Puwede siyang magkamali. Puwede tayong suwertehin. Puwede tayong through negotiations, mapagbigyan tayo ng Portuguese Government,” saad ni Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: 'Maliit ang mundo!' DILG Sec. Remulla, tiwalang mahahanap si Zaldy Co sa Portugal
Matatandaang kamakailan lang nang makiusap din si Remulla sa publiko hinggil sa pagpapakalat ng mga larawan ni Co sa social media kung sakaling makita siya sa Portugal.
“Nakikiusap kami sa lahat ng Pilipino sa buong mundo na na kung makikita nila si Zaldy Co, kung puwede nilang picturan, ipadala kaagad, i-post agad sa internet,” pagsisimula niya.
“Para may ideya tayo kung nasaan siya,” paglilinaw pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'I-post agad!' SILG Jonvic, nakiusap na ibalandra sa socmed si Zaldy Co 'pag naispatan
Samantala nilinaw naman ng DFA, na hindi raw nila kayang kumpirmahin ang naturang pahayag ng DILG.
"The DFA cannot answer if he has a foreign passport, lalong lalo na yung Portuguese passport. Ang makakasagot nito ay ang Portuguese government kasi po, hindi lahat ng Pilipino na nakakakuha ng foreign citizenship at foreign passport ay nagre-report sa DFA," saad ni Escalona.
Hinggil naman sa posibilidad na pagtugon ng DFA na maaresto si Co kung sakaling nasa Portugal nga siya, saad ni Escalona, "Kung meron kaming legal basis for actions with the foreign government. This is why it is very important for the DFA to closely coordinate with our law enforcement authorities, lalong lalo na po sa DILG (Department of the Interior and Local Government), PNP (Philippine National Police), at DOJ (Department of Justice). Kumukuha po kami ng guidance from them, we work closely with them for the next steps."