Nagbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda, kaugnay sa ginawang pag-atake ng Chinese vessels sa halos 20 Filipino fishing boats sa West Philippine Sea (WPS) kamakailan.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Disyembre 15, iginiit ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na iniutos din ng Pangulo ang deployment sa strategic locations para sa mas maigting na pagbabantay.
“Unang-una po, nasabi na po ng [Department of Foreign Affairs] DFA na [kinokondena] po natin ang nasabing insidente. Nakausap po mismo natin si [Philippine Coast Guard (PCG)] Commodore [Jay] Tarriela, at ang ipinagbilin po at ang direktiba ng Pangulo ay unahin ang kaligtasan ng ating mga kababayan, ang mga mangingisda na minsan ay nanganganib ang kanilang buhay,” saad ni Castro.
“Ipinag-utos din po na magkaroon ng deployment sa mga strategic location para po mabantayan at mabigyang-proteksyon ang ating mga mangingisda,” dagdag pa niya. “Sinusuportahan po ng Pangulo ang pagbili ng mga coast guard vessels para mas marami po na makapagbantay din po sa ating interes, at interes ng ating mga kababayan.”
Giit pa ng press officer, panahon na raw upang magkaisa ang mga Pilipino para paigtingin at paangatin ang interes ng bawat isa.
Ayon sa ulat ng PCG, tatlong mangingisdang Pilipino ang nasaktan at dalawang bangka naman ang nawasak bunsod ng naturang pag-atake.
Matatandaang nanindigan si PBBM na mananatiling matatag at kalmado ang posisyon ng Pilipinas hinggil sa isyu ng WPS.
“I reaffirm that the Philippines will continue to remain firm, calm, and resolute in defending our sovereignty, our sovereign rights, and jurisdiction in the West Philippine Sea; in accordance with, of course, international law,” saad ni PBBM sa kaniyang arrival statement matapos ang ika-47 ASEAN Summit at Related Summits sa Kuala Lumpur, Malaysia kamakailan.
MAKI-BALITA: PBBM sa isyu ng WPS matapos ang ASEAN Summit: 'Philippines will continue to remain firm, calm, resolute'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA