Inalmahan ng Department of National Defense (DND) ang pag-aanunsyo ng Communist Party of the Philippines (CPP) para sa ceasefire ng pamahalaan at National People’s Army (NPA), sa darating na Kapaskuhan at Bagong Taon.
Kasunod ng naturang anunsyo ng CPP, naglabas ng pahayag ang DND nitong Lunes, Disyembre 15, 2025, at iginiit na pawang propaganda lamang daw ang gustong mangyari ng naturang makakaliwang grupo.
“The CPP statement should be taken as it is— a sad propaganda stunt of a terrorist organization,” anang DND.
Saad pa nila, ang tungkulin daw ng militar ay hindi titigil at hindi raw seasonal.
“Military duties are not subject to pause or seasons, thus, the Armed Forces of the Philippines shall continue to support the Philippine National Police (PNP) in keeping peace and order this holiday season,” saad ng DND.
Kaugnay nito, nanawagan din ang National Defense na sumuko na lamang daw ang mga natitira pang miyembro ng nasabing armadong grupo upang maiwasan na raw ang karahasan patungo sa kapayapaan.
Anila, “Nonetheless, we continue to urge the remaining members of the New People’s Army to shun violence altogether and pursue genuine pathways toward lasting peace and development.”
Matatandaang nitong Lunes din nang ideklara ng CPP ang nasabing ceasefire para sa pakikiisa nila sa tradisyon ng mga Pilipino ngayong darating na holiday season.
“This temporary ceasefire order is being issued in solidarity with the Filipino people as they conduct simple celebrations of their traditional holidays, amid grave social and economic conditions,” anang CPP.
Magiging epektibo ang naturang ceasefire simula: 12:00 ng hatinggabi ng Disyembre 25, 2025 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26.
Masusundan ito ng: 12:00 ng hatinggabi ng Disyembre 31 at magtatapos sa 11:59 ng gabi ng Enero 1, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Walang putukan! CPP-NPA, nagdeklara ng ceasefire sa Pasko at Bagong Taon