Nanawagan sa publiko ang nanay ni Sherra De Juan, ang nawawalang bride-to-be sa Quezon City, na sana ay makabalik pa nang maayos ang anak na ikakasal na sana sa fiance niya kahapon ng Linggo, Disyembre 14.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Tita De Juan, nanay ni Sherra, nag-iwan siya ng mensahe sa anak, na sana raw ay bumalik na sa kaniya dahil naghihintay ang mga nagmamahal sa kaniya.
"Kung nanonood ka man anak, nandito si Mama, naghihintay sa 'yo, kung sinuman ang nakakakita, ibalik n'yo sa akin nang maayos po, at kung siya man po ay... kung sinuman po ang kumuha sa kaniya, siguro po ay may kapatid ka naman po siguro na babae o anak po," aniya.
"Ibalik mo po sa akin si Sherra, maayos po, kasi naghihintay kami ng mga kapatid niya, Papa niya, lalong-lalo na si Mark na magiging asawa niya, naghihintay po," saad pa ni Tita.
Umaasam din ang nanay na sana raw ay hipuin ng Panginoon ang isip at puso ng taong umano'y kumuha raw sa anak, na maibalik sa kaniya.
Samantala, bumuo na rin ng special investigation team ang Quezon City Police District (QCPD) para imbestigahan ang pagkawala ng bride.
Ayon sa ulat, sinabi ni QCPD spokesperson PCapt. Febie Madrid na bumuo na sila ng trackers team sa iba't ibang police units para magbigay ng assistance sa Fairview Police Station, na nangunguna sa imbestigasyon sa pagkawala ni De Juan.
Ayon sa impormasyong nasa ipinamahaging missing poster, huli siyang nakitang North Fairview Petron, Quezon City noong Disyembre 10, 2025. Batay naman sa groom-to-be niyang si Mark Arjay Reyes, nagpaalam ang fiancee na bibili lang ng sapatos na gagamitin niya sa kasal nila, nito sanang Linggo, Disyembre 14.
Nag-alok din ang pamilya ng ₱20,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa agarang pagkakatagpo kay Sherra.
Lubhang emosyonal naman ang naging pahayag ng fiancé ni Sherra sa isang social media post, na sana ay unang araw na nila bilang mag-asawa.
Iniwan ni Sherra ang cellphone niya sa bahay habang naka-charge, kaya hindi rin siya ma-contact. Reyes upang alamin kung may update na kay De Juan, subalit habang isinusulat ang artikulong ito, wala pa rin silang lead.
Kaugnay na Balita: QCPD, bumuo ng special team para imbestigahan pagkawala ng bride-to-be sa QC