Nagbigay ng reaksiyon ang aktres na si Angelica Panganiban matapos daw kumalat ang mga tsikang siya ay isang lasinggera.
Sa panayam ng “The B Side” kay Angelica noong Linggo, Disyembre 14, isiniwalat niyang nanggagalaiti raw ang nanay niya hinggil sa isyung ito.
“Alam mo, may chismis sa akin na lasinggera ako. Parang manginginom, ‘yong ganoon. Naku, pinag-ngingitngitan ‘yan ng nanay ko,” saad ni Angelica.
Giit pa niya, nasaktan daw siya sa mga panghuhusgang natatanggap niya mula sa ibang tao. Ang hindi raw kasi alam ng iba, nagkaroon siya ng sakit sa buto.
“Ako, for me, especially noong nagkasakit ako sa hips, kasi kapag ni-research mo ‘yong avascular necrosis [of the hip], isa siya sa puwede maging cause ng sakit ko. Alam mo, hurt na hurt ako no’n noong nagco-comment ‘yong mga tao na ‘lasinggera kasi ‘yan e, kaya siya nagkaganiyan.’ Na parang guys, nabuntis ako. Hindi naging maganda ‘yong blood flow ng balakang ko kaya ako nagkaroon ng sakit sa buto,” aniya.
“Grabe rin minsan ‘yong mga magco-comment na lang e ‘no, ‘yong may sakit ka na nga [tapos] nasabihan ka pang lasinggera ka, pariwara ‘yong buhay ko noon. Kayo naman,” dagdag pa niya.
Pagtatanong tuloy niya, “Nakainuman ko na ba kayo para sabihin n’yo sa’king grabe ako uminom? Grabe naman kayo. ‘Di ba puwedeng tumambay lang din ako?”
Matatandaang naging usap-usapan din ang naging pahayag ni Angelica kamakailan patungkol naman sa posibleng “friendship” nila ng actress-model na si Ellen Adarna, ang kasalukuyang asawa ng kaniyang ex-jowa na si Derek Ramsay.
“Feeling ko [puwede naman kami maging friends.] Marami kaming pag-uusapan—’wag lang niya ise-screenshot, ‘wag lang niya i-record. Hindi pa nga ako na-invite sa group chat, e,” saad ni Angelica.
MAKI-BALITA: 'Wag niya lang i-screenshot!' Angelica Panganiban, marami pag-uusapan kung maging friend si Ellen Adarna-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA