Sang-ayon si Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na ipagpaliban muna ang pagsasagawa ng mall-wide sale upang maibsan daw ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kaugnay ito sa ibinahaging sentimyento ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chief Don Artes patungkol sa pagbabawal sa mall-wide sale at ang epekto nito sa traffic.
“Ganoon din po, kinausap na po natin ‘yong mga LGUs regarding mall-wide sale. Dapat po siguro ipagbawal din muna po dahil nagkataon po pagkasara po ng mall, sabay-sabay pong naglabasan—na talaga naman pong naging dahilan ng sobrang bigat na daloy ng traffic,” saad ni Artes sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Hindi namin pinagbabawal 'yong sale sa mall, 'wag lang sabay-sabay!'—MMDA sa traffic-Balita
Sa isang pahayag na ibinahagi ni Zamora nitong Lunes, Disyembre 15, sinabi niyang pabor siya sa pagpapaliban ng mall-wide sales, at isagawa na lamang ito sa susunod na taon, sa buwan ng Enero at Pebrero.
“MMDA Chairman Don Artes has been coordinating with the malls for this. Ako po ‘no, pabor po ako riyan sa [pagpapaliban ng mall-wide sale] sapagkat alam naman natin [na ‘yong] Christmas pa lang ‘no ay dahilan na para ang mga mamamayan natin ay pumunta sa mga mall,” panimula ni Zamora.
“More so kung mayroon pang mga mall-wide sales. So, mas maganda talaga kung wala na muna tayong mall-wide sale sa ngayon at gawin na lang ito after Christmas rush,” dagdag pa niya.
Pabor daw sa kaniya ang ideyang ito sapagkat nais daw nilang ikontrol o bawasan ang volume ng tao tuwing sasapit ang Kapaskuhan.
“Because ‘yong volume ng tao, we want to somehow mitigate—we want to somehow control—kasi again, may natural inclination na tayo to go to the mall because of the Christmas season. More so kung mayroon pang mall-wide sales siyempre, lahat talaga magdadagsa. Pwede naman natin gawin ‘yan, for instance, January o February after the Christmas rush, di ba? Malaking bagay ‘yan kung mapapatupad,” aniya.
Kaugnay nito, matatandaang nilinaw naman ni Artes na hindi nila pinagbabawalan ang sale sa mga mall, sadyang huwag lang daw itong gawin nang sabay-sabay.
“Hindi po namin pinagbabawal or pinakikiusap na ipagbawal ‘yong sale. Ang sinasabi lang po namin, huwag sabay-sabay na buong mall ay sale. So, on a first store basis, puwede pa rin pong mag-sale,” paglilinaw niya.
Vincent Gutierrez/BALITA