How true ang tsikang "break" na raw sina Optimum Star Claudine Barretto at Milano Sanchez, ang kapatid ng award-winning at batikang broadcaster-TV host na si Korina Sanchez, dahil daw sa household helper ni Milano na umano'y nakaalitan ng una?
Iyan ang pinag-usapan nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez sa December 13 episode ng showbiz-oriented vlog nilang "Showbiz Now Na."
Matatandaang noong Oktubre, naging usap-usapan ang diretsahang pagsasabi ni Milano na liligawan niya si Claudine.
"The courtship starts now."
"No matter how long it takes, I will wait."
Pangako pa niya kay Claudine, "No one will ever break you."
Tila sagot naman ni Claudine kay Milano, "Can you really wait??? No matter how long??? No one [will] break me? Swear?"
Kaugnay na Balita: 'No one will ever break you again!' Utol ni Korina, naniningalang-pugad kay Claudine
Samantala, ayon kay Cristy, nang pumutok daw ang balita patungkol sa umano'y namumuong romantic relationship sa dalawa, marami na raw nandaot at nag-nega sa kanilang dalawa. Ang hula raw ay baka hindi magtagal. Na tila nagkatotoo naman daw.
"Kasi mula po sa aming source, sila po talaga ay hiwalay na ngayon," anang Cristy.
Pagbabahagi pa ni Cristy, masalimuot daw ang kuwento pero ang pinaka-gist daw, lumipat umano si Claudine at anak na si Noah sa bahay ni Milano. May dala-dala na raw mga maleta at damit.
"Pero may naganap. Siguro, sa isang pagkakataon, merong pagkakamali ang isang kasambahay ni Milano. Ang kasambahay pong ito ay matagal na nilang kasama. Si Ms. Korina Sanchez po ang nag-assign no'ng kasambahay sa bahay ni Milano. Ibig sabihin, talagang matagal na sa kanila. May pagkakamali raw na nagawa 'yong kasambahay," kuwento ni Cristy.
Dagdag pa niya, "Pinagsisigawan daw ni Claudine, talagang galit na galit. Sigaw kung sigaw ang ginawa. Ngayon, si Milano, nang makita 'yong pangyayari, kinampihan 'yong kasambahay."
Saad naman ni Wendell, kung matagal na raw ang kasambahay sa paninilbihan nito, siyempre raw, nakuha na ng kasambahay ang tiwala ng kaniyang mga amo.
Dagdag na kuwento pa ni Cristy, "Ang sabi raw ni Claudine, 'Ah gano'n, so kinakampihan mo 'yong kasambahay? Mula ngayon, ayoko na, hiwalay na tayo!' At meron siyang sinabi sa dulo, na hindi ko pupuwedeng banggitin, dahil pangit, 'di ba."
Nabigla raw ang mga ibang nakakita sa ginawa ni Claudine sa kasambahay, na hindi tinukoy kung sino. Hindi rin tinukoy ni Cristy kung ano ang eksaktong pagkakamali ng kasambahay para umano'y sigawan siya ng aktres.
Ang punto naman ng mga hosts, si Claudine ang bagong salta, siya raw ang dapat na unang makisama sa mga kung sinuman ang naabutan niya sa pamamahay ni Milano.
Napagtagni tuloy ni Romel na kaya raw siguro mukhang sad posts ang ibinahagi ngayon ni Clau ay dahil sa tila pinagdaraanan niya ngayon.
Saad naman ni Cristy, kung nagkamali man ang kasambahay, sapat na ba itong dahilan para pagsisigawan siya?
Gayunman, nanghihinayang naman ang hosts dahil nakikita na raw nilang masaya si Claudine batay sa posts niya, dahil sa relasyon nila ni Milano.
Nabanggit din ni Cristy na umano'y marami raw sa panig ni Milano ang ayaw kay Claudine, at isa pa nga raw ang nagsabing sa wakas, nagising daw si Milano.
Sey pa ni Cristy, nakaabang daw siya sa kung ano ang ikukuwento sa kaniya ni Claudine, ngayong naibahagi na nila sa kanilang vlog ang tungkol dito.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Claudine hinggil sa mga naging pasabog ni Milano.