Pinarangalan ng Mandaue local government unit (LGU) ang fur mom na nagligtas sa dalawa niyang fur babies mula sa pagsiklab ng malaking sunog sa Brgy. Guizo, Mandaue City, Cebu, kamakailan.
MAKI-BALITA: Babae, matapang na inilikas mga alagang hayop, sarili sa gitna ng sunog!
Sa pagbubukas ng ika-29 na Regular Session ng ika-17 Sangguniang Panlungsod ng Mandaue nitong umaga ng Lunes, Disyembre 15, kinilala ang naging katapangan ng fur mom na si Ei Mei Lee Maningo.
“Thank you for this recognition that you are giving me today. I’m so honored and no words can express how happy I am to receive this reward,” ani Maningo bilang pagpapasalamat sa nasabing pagkilala ng lungsod.
Sa talumpati rin niya, tiniyak niya na ligtas na siya at mga alaga niya.
Bukod pa rito, hindi rin pinalagpas ni Maningo na humingi ng tulong sa publiko para i-take down ang fake accounts na gumagamit umano ng kanilang mga litrato para sa sarili nilang interes.
“My message to all, I am safe, the dogs are safe, and for those who have bad intentions, like those creating fake accounts using our images, this is not the time to take advantage of others. So to all that are listening, please help me put that page down.” panawagan ni Maningo.
Bilang fur mom, ipinaalala niya rin sa kapwa pet owners na maiging pangalagaan ang kanilang fur babies dahil daw tulad ng mga tao, mayroon ding pangangailangan ang mga ito na kinakailangan matugunan.
Kasama ni Maningo sa session ang pomeranian fur babies niya na sina Miyah at Kayen, kung saan bukod sa framed certificate, nabigyan din ang mga ito ng supplies at pagkain, mula naman sa kanilang city veterinary office.
Sean Antonio/BALITA