Buminggo sa Land Transportation Office (LTO) ang isang pick-up driver na na-videohan na nambeltok sa isang lalaking magkakariton na nakasagi sa kaniyang sasakyan.
Mapapanood sa viral video na kumalat sa social media, ang ginawang paghampas ng drayber ng sasakyan, sa ulo ng magkakariton sa harap mismo ng kaniyang paslit na anak.
Bunsod nito, naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang LTO laban sa pick-up driver na sinabayan pa ng 90 araw na suspensyon ng lisensya niya.
Nakasaad sa SCO na kailangang magpaliwanag ang naturang motorista kung bakit hindi dapat suspindihin o i-revoke ang kaniyang lisensya dahil sa paglabag bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Pinagsusumite rin ang drayber at ang registered owner ng Toyota Hilux ng notarized comment/explanation na naglalaman ng kanilang paliwanag.
Saad pa ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, "Hindi kukunsintihin ng ahensya ang ganitong asal sa lansangan. Kung totoo man ang mga paratang ayon sa video, dapat managot ang driver. Tinitiyak natin sa publiko na bibigyan natin ng hustisya ang insidenteng ito."