Makalipas ang 117 taon, naiuwi na sa bayan ng Samar ang mga kampana ng Balangiga, na naging simbolo ng madilim na kasaysayan noong digmaang Pilipino at Amerikano noong 1901.
Sa muling pagbabalik ng mga kampana sa bansa noong Disyembre 15, 2018, masigabong itong sinalubong ng mga mamamayan ng Balangiga, Samar.
“The bells are returned and it was really because of the fervent prayers of the entire Filipino nation,” saad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa seremonya ng muli nitong pagbabalik sa bansa.
“The credit goes to the American people and to the Filipino people, period,” aniya pa.
Ang makasaysayang pagbabalik na ito ay naging posible rin matapos itong mariin na ipinakiusap ng dating pangulo sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong 2017.
“Give us back those Balangiga bells. They are ours. They belong to the Philippines. They are part of our national heritage. Isauli naman ninyo, masakit ‘yon sa amin,” saad ni Duterte sa kaniyang talumpati.
MAKI-BALITA: Magbabalik na ang mga Balangiga bells sa Samar
KAUGNAY NA BALITA: Ang pagbabalik ng Balangiga Bells
Bilang paggunita sa kasaysayan, balikan ang istorya sa likod ng mga kampana ng Balangiga at ang importansya nito sa kasaysayan ng bansa:
Ang mga kampana ng Balangiga ay kinuha ng mga sundalong Amerikano sa kasagsagan ng digmaang Amerikano at Pilipino noong 1901 bilang “war booty” o “war trophies.”
Ayon sa mga istoryador, bukod sa pagiging hudyat ng pagsisimula ng misa o paparating na sakuna sa bayan, ang mga kampana ng Balangiga ang ingay na naging hudyat ng pag-atake ng ilang mamamayang Pinoy sa mga Amerikanong sundalo na naka-istasyon sa bayan ng Samar noong umaga ng Setyembre 28, 1901.
“The tower bells rang out a deafening appeal. [The attackers] yelled as they came towards me,” saad ni Pvt. Adolph Gamlin, isa sa mga sundalong Amerikano na naka-istasyon sa Samar, ilang taon matapos ang kilala na sa kasalukuyan bilang “Balangiga Massacre.”
Ang tunog ng mga kampana ang naghudyat sa mga mamamayang nakatago sa simbahan para sumugod sa mga sundalo dala ang kanilang mga bolo.
Ang “Balangiga Massacre” ang kinokonsiderang pinaka mapaminsalang pag-atake sa militar ng mga Amerikano dahil sa pinagsama-samang lakas at rebolusyon ng mga mamamayan ng Samar.
Ayon pa sa mga pag-aaral, ang massacre ay nagresulta sa pagkamatay ng 48 sa 78 kabuoang bilang ng mga sundalong Amerikano sa bayan ng Balangiga.
Habang tinatayang 10,000 Pinoy ang nasawi rin sa pag-atake.
Matapos ang madugong massacre, kinuha ng mga Amerikano ang mga kampana, na mayroong Franciscan emblems, na mula pa sa mga taong 1863, 1889, at 1896.
Magmula noon, dalawa sa mga kampana ay inilagay ng mga Amerikano sa Trophy Park ng Francis E. Warren Air Force Base (AFB) sa Cheyenne, Wyoming.
Habang ang isa naman dito ay inilagay sa 9th US Infantry Regiment sa Camp Red Cloud Korea.
Dahil sa mga pangyayaring ito na tumatak sa kasaysayan, ang mga kampana ng Balangiga ay naging simbolo ng nasyonalismo at katapangan ng mga Pinoy.
Para naman sa mga Amerikano, ang mga kampana ay naging memorial sa mga sundalo nilang nasawi sa malagim ngunit makasaysayang pangyayari na ito.
Sean Antonio/BALITA