Tahasang ipinahayag ng aktres na si Angelica Panganiban na nagsisi siyang tinanggihan niya ang in-offer sa kaniyang role sa pelikulang “Four Sisters and a Wedding.
”Sa panayam ng “The B Side” kay Angelica noong Linggo, Disyembre 14, isiniwalat niya ang mga dahilan kung bakit napagdesisyunan niyang tanggihan na lamang ito.
“Mayroon [akong proyektong pinagsisihan na hindi ko tinanggap], ‘yong Four Sisters [and a Wedding],” saad ni Angelica.
“Kakatapos lang kasi namin gawin ‘yong ‘One More Try,’ and hindi maganda ‘yong naging ending namin ni Angel no’n, so, nag-give way na lang ako na ‘maging magkaibigan na lang tayo sa labas ng trabaho, huwag na muna tayo mag-work ulit’,” dagdag pa niya.
Pag-amin pa ni Angelica, siya raw dapat ang gaganap bilang si “Gabbie Salazar,” ang pinagbidahan ng kapuwa niya aktres na si Shaina Magdayao.
Isiniwalat niya ring hindi niya pa pinapanood ang naturang pelikula. Aniya, “bubog” niya raw ito.
Sa parehong panayam, binasag niya na rin ang kaniyang katahimikan hinggil sa isyung siya raw ay isang lasinggera.
“Ako, for me, especially noong nagkasakit ako sa hips, kasi kapag ni-research mo ‘yong avascular necrosis [of the hip], isa siya sa puwede maging cause ng sakit ko. Alam mo, hurt na hurt ako no’n noong nagco-comment ‘yong mga tao na ‘lasinggera kasi ‘yan e, kaya siya nagkaganiyan.’ Na parang guys, nabuntis ako. Hindi naging maganda ‘yong blood flow ng balakang ko kaya ako nagkaroon ng sakit sa buto,” saad ni Angelica.
MAKI-BALITA: 'Nakainuman ko na ba kayo?' Angelica Panganiban nag-react sa isyung lasinggera siya-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA