‘Ika nga ng Filipino boyband na Ben and Ben sa liriko ng kanilang kanta, “Simbang gabi na naman…,” kasabay ng muling pagsisimula ng taunang Simbang Gabi sa bansa, ay ang tila hudyat na rin ng puto bumbong season.
Sinong mga parokyano nga ba ang hindi lumilinga-linga sa paligid ng harapan ng mga simbahan pagkatapos ng misa mula sa Simbang Gabi?
Ngunit, para naman sa mga nagke-crave sa puto bumbong ngunit wala ng oras para sa Simbang Gabi—alam mo bang marami ka na ring mahahanapang tindahan na sasagot sa cravings mo anumang oras mo ito gustuhin?
Kaya naman narito ang ilang mga online at physical stores na “magpapa-cravings satisfied” sa puto bumbong cravings mo:
Ferino’s Bibingka
Kilala man sa isa pang sikat na pagkaing bibingka, handa rin makipagsabayan ang Ferino’s sa Bibingka sa kanilang mga puto bumbong. Mayroon silang Plain Puto Bumbong (₱95) para sa mga mas gusto ang klasikong lasa; Puto Bumbong with Caramel and Cheese (₱135) para sa timpla ng tamis at alat; Frozen Puto Bumbong (₱105) para sa mga nagnanais na mag-stock nito; at Puto Bumbong Kit (₱105) na swak para sa cravings na on the go.
Astoria Plaza
Para naman sa mga naghahanap ng puto bumbong kahit hindi Kapaskuhan, may sagot ang Astoria Plaza sa Ortigas. Inihahain nila ang kanilang Puto Bumbong (₱250) na tampok ang matingkad na lilang malagkit, may kasamang ginadgad na niyog at muscovado—isang klasikong presentasyon na may hotel-level na dating.
Mila’s Puto Bumbong
Kung ang hanap ay mas bonggang bersyon na pang-#foodporn, matatagpuan ito sa Mila’s Puto Bumbong. Kabilang sa kanilang mga bestseller ang Cheese with Condensed (₱40), Cheese with Salted Egg (₱50), Cheese with Leche Flan (₱60), Overload (₱55) na may kombinasyon ng niyog at muscovado na asukal, keso at condensed milk, at Special puto bumbong (₱70) na may toppings na niyog, itlog na maalat, leche flan, keso at condensed milk.
Lisa’s Bibingka and Puto Bumbong
Sakop naman ng Lisa’s Bibingka and Puto Bumbong ang magkabilang dulo ng Metro Manila—Quezon City at Muntinlupa City. Maaaring piliin ang Putobumbong with Niyog and Muscovado (₱150) para sa tradisyunal na lasa, o subukan ang mas modernong bersyon gaya ng Cheese and Condensed (₱170). Para sa mas indulgent na karanasan, mayroon ding Overload ₱P220) na may patong na hiwa ng leche flan, na kahawig ng paboritong halo-halo ng marami.
Balay Dako
Kung sa Tagaytay naman ang get-away mo, pwedeng pagsabayin ang malamig na simoy ng hangin, ang ganda ng Taal view habang nilalasapo ang isang plato ng puto bumbong (₱140) na hatid ng Balay Dako. Habang sa halagang ₱30 naman ay maaari mo ng palagyan ng add ons na keso ang puto bumbong para mas kumpleto ang puto bumbong experience mo sa Tagaytay.
Sa iba’t ibang anyo at lasa, patunay ang puto bumbong na ang tradisyon ay kayang sabayan ng modernong panlasa—isang kakaning patuloy na nagbibigay-init at saya sa bawat Pilipino, Pasko man o hindi.