Pinaaabangan na lang ng Malacañang sa taumbayan kung may makukulong pa bang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects bago matapos ang taon.
Sa isinagawang press briefing nitong Lunes, Disyembre 15, inusisa si Presidential Communication Office Usec. Claire Castro hinggil dito.
Aniya, “Katulad po ng pangako ng Pangulo, mayroong maiisyuhan ng warrant of arrest, may hindi magiging maganda ang Pasko dahil sa mga nasangkot sa maanomalyang flood control projects.
“So, abangan na lang po natin. Dahil ito naman din po ay sa ating pagkakaalam ay talagang tinatrabaho din po at pinagtutuunan ng pansin ng DOJ pati na po ng Ombudsman,” dugtong pa ni Castro.
Matatandaang Nobyembre pa nang magsimulang arestuhin ang unang walong indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Maki-Balita: Dizon sa pagkaaresto ng 8 sangkot sa maanomalyang flood control projects: 'Umpisa pa lang ito!'
Ngunit ayon sa ilang organisador na nagkasa ng malawakang kilos-protesta noong Nobyembre 30, hindi umano ito sapat.
"Ang gusto nating makita ay 'yong matataas na opisyal ang makasuhan," saad ni Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Dee.