December 15, 2025

Home BALITA Metro

5 lalaki, arestado matapos masabatan ng higit ₱176M halaga ng shabu, marijuana, atbp

5 lalaki, arestado matapos masabatan ng higit ₱176M halaga ng shabu, marijuana, atbp
Photo courtesy: PNP


Timbog ang limang lalaki matapos masamsaman ng aabot sa higit ₱176M halaga ng mga ilegal na droga, sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Napindan, Taguig City kamakailan.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), ang limang suspek ay nakatala bilang high-value individuals (HVI), na nasakote sa pagtutulungan ng Special Operation Units (SOUs) ng National Capital Region (NCR), PNP Drug Enforcement Group (DEG), DID, Southern Police District (SPD), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO NCR.

Narekober mula sa kanila ang ₱173.4 milyong halaga ng shabu na tinatayang aabot sa 25.5 kilo ang timbang, ₱2.655 milyong halaga ng pinatuyong marijuana leaves “Kush” na aabot naman sa 1.77 kilo ang bigat, at ₱210,000 halaga ng 140 e-cigarettes na may lamang marijuana oil, na may sumatotal na halagang ₱176.265 milyon.

Kasama ring nasabat ang ilang paraphernalia at ebidensya tulad ng buy-bust money, 9mm Glock pistol, at iba pang kagamitan na isinumite sa PNP Forensic Group para sa pagsusuri.

Ang mga naarestong HVIs ay kasalukuyang nakapiit sa kustodiya ng SOU NCR at PNP DEG para sa wastong disposisyon at tamang dokumentasyon.

Ayon kay Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang naturang operasyon ay isang hakbang upang mas palakasin ang pagpapatupad ng mga batas hinggil sa paglaban sa ilegal na droga.

“This is exactly what the Filipino people should expect from the Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman. Nandito tayo para siguraduhing mananagot sa batas ang sinumang banta sa kapayapaan at kaligtasan ng ating komunidad,” saad ni Nartatez.

“We are not just after the numbers. Layunin natin na maging mas ligtas ang bawat komunidad, and this is in line with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s vision for a secure and peaceful Philippines,” dagdag pa niya. “The PNP is serious about dismantling illegal drug networks wherever they are. And to every Filipino family, we promise to continue working for your safety.”

Vincent Gutierrez/BALITA

Metro

Manila Water, Maynilad, raratsada ng dagdag-singil sa 2026