Tatlong mangingisdang Pilipino na nasugatan matapos bombahin ng water cannon ng mga sasakyang pandagat ng China sa Escoda Shoal ay nasa “mas mabuting kalagayan na,” ayon sa National Maritime Council (NMC) nitong Lunes, Disyembre 15, 2025.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), inatake ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia (CMM) ang mga bangkang Pilipino nitong nakaraang weekend gamit ang water cannon at mapanganib na blocking maneuvers malapit sa Escoda Shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: 3 mangingisdang Pinoy, sugatan sa water canon ng China sa Escoda Shoal
Sinabi ng PCG na nagtamo ng mga pasa at bukas na sugat ang tatlong mangingisdang Pilipino, habang dalawang bangkang pangisda ang nasira dahil sa malalakas na bugso ng water cannon.
Nang tanungin tungkol sa kalagayan ng mga sugatang mangingisda, sinabi ni NMC spokesperson Alexander Lopez na sila ay nagpapagaling na.
“Ang tinamaan ay diumano ay natumba, tumama sa matitigas at matatalas na parte ng kanilang sinasakyang pangisda. Sa ulat ng Philippine Coast Guard, sila ngayon ay nasa mabuting kalagayan na,” ani Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, agad rumesponde ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa insidente.
“Yung sa insidenteng yun, nakapagresponde ang ating gobyerno at nakapagdala ng dalawang Coast Guard vessels upang sumaklolo sa ating mga mangingisda sa Escoda Shoal,” aniya.
“Nabigyan ng karampatang medikal na atensyon ang mga nasugatan na mangingisda sa insidente at sa presensya ng ating Coast Guard vessels, nabigyan din ang ating mga mangingisda ng sapat na seguridad o proteksyon sa kabila ng presensya ng China Coast Guard sa lugar na nagmamatyag sa hindi kalayuan,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Lopez na patuloy pang pinag-iigting ng mga awtoridad ang pinsala sa mga bangkang pangisda, at ito umano ang unang pagkakataon na sadyang at direktang tinamaan ng mga barko ng China ang mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa isang insidente ng water cannon.
“Yung nangyari sa Escoda ay talagang malapitan at direkta kaya nasugatan ang tatlo nating mangingisda at nakasira ng ating mga sasakyang pangisda. Kaya tayo ay nababahala at kinokondena ang pangyayaring ito,” ani Lopez.