Naniniwala ang Malacañang na matutupad ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makukulong ang mga personalidad na may kinalaman sa flood control scam sa bansa, 10 araw bago sumapit ang Kapaskuhan.
Kaugnay ito sa pangakong binitawan ni PBBM kung saan sinabi niyang tapos na ang mga maliligayang araw ng mga naturang sangkot, sapagkat sila ay makukulong bago pa man sumapit ang Pasko.
“Alam ko, bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yung kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” saad ni PBBM sa kaniyang presidential report kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Disyembre 15, iginiit ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na tinatrabaho at pinagtutuunan na ng pansin ng mga ahensya ng gobyerno ang naturang kaso.
“Katulad po ng pangako ng Pangulo ay mayroong maiisyuhan ng warrant of arrest, may hindi magiging maganda ang Pasko dahil sa mga nasangkot sa maanomalyang flood control projects,” saad ni Castro.
“So abangan na lang po natin dahil ito naman din po ay sa ating pagkakaalam, ay talagang tinatrabaho rin po at pinagtutuunan ng pansin ng [Department of Justice] DOJ, pati na po ng Ombudsman,” dagdag pa niya.
Matatandaang binuweltahan naman ni Sen. Imee Marcos ang naturang pangako ng Pangulo.
“Hindi, may Merry Christmas, kasi 'di ba sabi niya [Pangulong Bongbong Marcos] na si dating Speaker Martin [Romualdez] ay hindi kakasuhan," saad ni Sen. Imee.
MAKI-BALITA: Romualdez, hindi kakasuhan; sigaw ni Imee, 'So Merry Christmas pa rin!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA