Nagbahagi ng isang makahulugang paalala ang aktres at komedyanteng si Tuesday Vargas sa kaniyang social media post kaugnay ng diwa ng Pasko at ang madalas na presyur sa pamimigay ng regalo.
Sa kaniyang post, ibinahagi ni Tuesday na sanay na raw ang marami na siya ang laging nagbibigay tuwing Pasko, kaya’t madalas ay wala rin siyang natatanggap. Ayon sa kanya, tila may paniniwala ang iba na “okay na si ate” at wala na siyang kailangan; isang bagay na kaniyang kinumpirma, ngunit sa mas malalim na konteksto.
Ani Tuesday, tunay nga siyang higit na pinagpala, hindi dahil sa pera o materyal na bagay, kundi dahil sa pagmamahal ng mga taong mahalaga sa kanya, sa kanyang kalusugan, at sa patnubay ng Panginoon. Dagdag pa niya, wala na siyang ibang mahihiling pa.
Nilinaw rin ng aktres na bagama’t nagpapasalamat siya sa mga nais magbigay sa kanya ng regalo, mas gugustuhin niyang ilaan na lamang ito ng mga tao sa kanilang pamilya o sa kanilang sarili. Para kay Tuesday, hindi materyal na regalo ang tunay na diwa ng Pasko, at mas mainam pa raw na ibigay ito sa mga mas nangangailangan.
“Hindi magbabago ang pagmamahal ko kahit walang regalong nakabalot sa magandang papel at may ribbon,” pahayag niya, sabay-diin na hindi dapat ma-pressure ang sinuman sa gift-giving, lalo na kung ito’y nagiging pabigat sa pananalapi.
Binigyang-diin din niya ang mensahe na ang pinakamagandang regalo ay hindi matatagpuan sa ilalim ng Christmas tree, kundi nasa pusong may diwa ng Pasko, isang paalala na ang pinakamahalagang handog ng Diyos ay dumating na may kababaang-loob.
Sa huling bahagi ng kanyang post, naging tapat si Tuesday sa kanyang saloobin para sa mga taong naaalala lamang siya kapag manghihingi o mamamasko.
Bagama’t sinabi niyang handa siyang tumulong kung kaya, umamin siyang sana’y naalala rin siya noong mga panahong siya’y lugmok at halos sumuko. Gayunman, iginiit niyang wala siyang sama ng loob at nauunawaan niyang maaaring may pinagdadaanan din ang iba noong panahong iyon.
“Wala munang regalo ha? Ayos lang si ate,” pagtatapos ni Tuesday.
Para daw sa kaniya, sapat na ang makapaghatid ng saya: ang mapanood at mapangiti ang mga tao, bilang kaniyang sukli ngayong Pasko.