December 15, 2025

Home BALITA National

'Tinapyasang budget, pinababalik!' DPWH Sec. Dizon, nagpaliwanag sa bicam panel

'Tinapyasang budget, pinababalik!' DPWH Sec. Dizon, nagpaliwanag sa bicam panel
Photo courtesy: Screenshot from Senate of the Philippines/YT

Naupo bilang resource person ng Bicameral Conference Committee si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon upang magpaliwanag kung bakit humihiling ang ahensya na maibalik ang mga pondong unang tinapyasan dahil sa umano’y overpriced na construction materials sa ilang proyekto.

Bago pa man makaupo si Dizon upang magbigay-linaw, nagkaroon muna ng mainit na diskusyon sa hanay ng mga miyembro ng komite kung kinakailangan pa ba siyang imbitahan bilang resource speaker, gayong dumaan na sa mga nagdaang buwan ang budget hearing ng DPWH, na unang kinuwestyon ni Sen. Erwin Tulfo.

Kaugnay na Balita: Sen. Erwin Tulfo, kinuwestiyon pagpapatawag kay Sec. Dizon: 'This is a bicam conference committee!'

Ayon kay Sen. Loren Legarda, mismong si Secretary Dizon ang nagsabi na nararapat lamang na kaltasan ang mga proyektong may overpriced na materyales. Aniya, malinaw ang naging posisyon noon ng DPWH hinggil sa pagtitipid at pagtanggal ng labis na gastos sa mga proyekto ng ahensya.

National

'Di kita pinahihinto sa trabaho mo, ikaw humihinto sa trabaho namin!'—Sen. Imee kay DPWH Sec. Dizon

Sa kaniyang panig, iginiit ni Dizon na ang direktiba na tapyasan ang halaga ng mga materyales sa mga proyekto ng DPWH ay nagmula mismo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang bahagi ng hakbang upang maiwasan ang korapsyon at masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Gayunman, binigyang-diin ni Dizon na kung lubusang babawasan ang kabuuang budget ng DPWH, maaari itong magdulot ng negatibong epekto sa iba pang mahahalagang proyekto ng ahensya.

Aniya, hindi lamang ang mga isyung may kinalaman sa overpriced ang maaapektuhan, kundi pati ang implementasyon ng mga programang pang-imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bilang tugon, sinabi ni Sen. Legarda na sana raw ay mas maaga pa sanang ipinaabot ni Secretary Dizon sa komite ang posisyon na huwag nang bawasan ang pondo, upang maiwasan ang kalituhan at hindi pagkakaunawaan sa naging proseso ng pagbusisi sa budget ng DPWH.

Patuloy namang sinusuri ng Bicameral Panel ang mga paliwanag ng DPWH bago magpasya kung ibabalik o mananatiling bawas ang mga pondong inalis dahil sa isyu ng overpriced na proyekto.