January 06, 2026

Home BALITA National

NCRPO, may ilang paalala sa mga mamimili, motorista ngayong holiday season

NCRPO, may ilang paalala sa mga mamimili, motorista ngayong holiday season
Photo courtesy: NCRPO/FB, via Balita


Nagbigay ng ilang mga paalala sa publiko ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong papalapit na ang pagsapit ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo sa tagapagsalita ng NCRPO na si Police Major Hazel Asilo noong Sabado, Disyembre 13, hinikayat niya na mag-ingat ang mga mamimili at tiyakin din ang kaligtasan ng mga bata.

“Ngayong unified season po, hinihikayat po ng NCRPO ang ating mga kababayan na mas maging maingat habang namimili, nagsisimba, bumibiyahe, or nakikipag-celebrate po kasama ang pamilya,” saad ni Asilo.

“Bantayan po natin ‘yong ating mga personal na gamit—lalo na at mataas ang galaw ng mga tao sa malls, terminals, at simbahan—kaya huwag pong maglabas ng malalaking cash, at siguraduhin pong hawak [nila] ang mga bata sa matataong lugar,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan niya rin ang mga motorista at magbabakasyon ngayong holiday season sa mga dapat nitong gawin upang masigurong hindi maaaksidente at mabibiktima ng mga kawatan.

“Sa mga motorista naman po, iwasan natin ‘yong overspeeding, huwag magmaneho kung pagod o nakainom, at siyempre po ‘yong mga aalis ng bahay [ay] siguraduhin po natin na bago tayo umalis [ay] naka-secure po ‘yong ating mga pinto, naka-lock ‘yong ating mga gate, or huwag po tayong mag-iwan ng mga gamit natin sa labas ng bahay na posibleng maka-attract po sa masasamang loob para akyatin ‘yong kanilang mga gate,” ani Asilo.

National

'Flood control projects budget sa 2026, mas 'specific' sa foreign assisted projects!'—DBM Sec. Toledo

“Kung mayroon po tayong pinagkakatiwalaang kapitbahay, at medyo matagal po tayong mawawala, ibilin po natin [sa kanila] para tingnan-tingnan po [nila] ‘yong bahay natin para mayroon pa rin namang magbabantay kahit wala tayo,” aniya.

Giit pa ng tagapagsalita, iwasan din daw ang pagbabahagi ng real time updates, ATM activities, at maging social media posts na maaaring makaengganyo sa mga kawatan.

Vincent Gutierrez/BALITA

Inirerekomendang balita