December 14, 2025

Home BALITA Probinsya

Lalaki, arestado matapos masamsaman ng ₱13.6M halaga ng shabu, paraphernalia

Lalaki, arestado matapos masamsaman ng ₱13.6M halaga ng shabu, paraphernalia
Photo courtesy: PNP


Timbog ang isang 41-anyos na lalaki sa Cagayan de Oro City matapos masabatan ng shabu na aabot sa halos ₱13.6 milyon ang halaga, kasama ang ilan pang paraphernalia.

Sa ulat ng Philippine National Police noong Sabado, Disyembre 13, matagumpay na narekober ang mga ilegal na droga sa suspek matapos ikasa ng Cagayan de Oro Drug Enforcement Unit (CDEU) ang isang joint buy-bust operation, kasama ang Cagayan de Oro Intelligence Unit (CIU), Cagayan de Oro Mobile Force Company (CMFC), at Philippine Drug Enforcement Agency Region 10 (PDEA-10).

Ayon sa awtoridad, ang nasakoteng suspek ay isang high-value individual (HVI) na residente sa naturang lungsod.

Nabawi ng pulisya ang isang sachet ng shabu na may halagang ₱10,000, matapos itong ibenta ng suspek sa isang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer.

Matapos ang pagkakaaresto, nagsagawa pa sila ng isang follow-up search kung saan nakuha pa nila ang 17 sachets ng shabu, na aabot sa dalawang kilo ang timbang.

Sumatotal, aabot sa ₱13.6 milyon ang street value ng nakumpiskang shabu.

Kasama sa mga nasabat ang isang Chinese tea bag, android cellphone, digital weighing scale, durabox, pulang eco bag, at ang pre-recorded buy-bust money, na gagamitin bilang mga ebidensya.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa kustodiya ng City Drug Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office, habang ipinoproseso ang tama niyang disposisyon at wastong dokumentasyon.

Samantala, dinala naman ang mga ebidensya sa PNP Regional Forensic Unit 10 upang suriin at imbestigahan.

Posible siyang humarap sa mga kaso matapos ang kaniyang paglabag sa Sections 5 at 11, Article 2 ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang isinagawang operasyon ay isang tanda na seryoso ang pulisya na sugpuin ang ilegal na droga sa bansa.

“Malinaw po ang ating direktiba, tuloy-tuloy at walang patid ang laban kontra ilegal na droga. This operation shows that our police units are serious in going after high-value individuals who threaten our communities. Kapag ganito kalaking droga ang natatanggal sa lansangan, maraming buhay ang naliligtas,” saad ni Nartatez.

Vincent Gutierrez/BALITA

Probinsya

Unang fully air-conditioned public school, bukas na sa San Pedro, Laguna