Naglabas ng video post si Senadora Imee Marcos na nagpapakita ng aniya’y mas makatotohanang gastos sa Noche Buena ng isang karaniwang pamilyang Pilipino, na tila sumasalungat sa pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na maaaring magkasya sa ₱500 ang handa para sa bisperas ng Pasko.
Kaugnay na Balita: ₱500, sapat na pang-Noche Buena! –DTI
Sa naturang video, ipinakita ni Sen. Imee ang isang “basic” na Noche Buena para sa apat na katao. Ayon sa senadora, sinimulan niya ang pagtutuos sa isang basket ng 12 prutas, alinsunod sa tradisyon ng “12 fruits of the year,” na umabot agad sa humigit-kumulang ₱500.
Kasunod nito ang iba pang karaniwang handa sa Noche Buena: lumpiang shanghai na nagkakahalaga ng ₱371; isang platter ng spaghetti na may kabuuang ₱366; pritong manok na umabot sa ₱390; isang bilog na hamon na nagkakahalaga ng ₱375; at chocolate cake na may presyong ₱598.
Isinama rin sa tala ang dalawang llanera ng leche flan na nagkakahalaga ng ₱100, cathedral jelly na ₱100, at fruit salad na umabot sa ₱271.
Dagdag pa rito ang mga inumin tulad ng softdrinks na ₱70 kada litro at juice na ₱25. Sa kabuuan, umabot sa ₱3,166 ang tinatayang gastos para sa naturang Noche Buena.
“Espesyal kasi Noche Buena, hindi naman Leche Buena, ano ba ’yan,” pahayag ni Marcos sa video, na may bahid ng pagbibiro ngunit mariing punto laban sa itinakdang halaga ng DTI.
Hindi rin nakaligtas sa batikos ng senadora ang kagawaran.
“Hoy DTI, gising kayo, hindi ’yan totoo!” banat ni Marcos.
Sa ngayon, wala pang tugon ang DTI kaugnay sa pahayag at video post ng senadora.
Kaugnay na Balita: 'Depende sa dami ng miyembro ng pamilya!' DTI Sec. Roque, nagpaliwanag sa '₱500 Noche Buena'