Positibo si Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi na mauulit ang mga naging tiwaling kalakaran sa ahensya sa ilalim ng pamumuno niya sa ahensya.
Sa isinagawang Bicameral Conference Committee Hearing nitong Linggo, Disyembre 14, binanggit ni Dizon na patuloy na sinusunod ng ahensya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagrereporma ng sistema sa loob ng ahensya
“Uulitin ko po ‘yong sinabi sa akin ng Pangulo. Hindi na puwede ‘yong kalakaran noong nakaraan, hindi na puwede ‘yong dating gawi. Kailangan baguhin natin ‘yong sistema sa DPWH. ‘Yan po ang ginagawa natin ngayon,” ani Dizon bilang tugon sa tanong ni Rep. Javier Miguel Lopez Benitez hinggil sa pagrereporma ng ahensya.
“Sinimulan po natin dito sa pagbaba sa presyo ng custom materials. Sinundan po no’ng ni-launch ng Pangulo ang Transparency Portal, at marami pa pong ibang repormang parating,” dagdag pa ng Kalihim sa mga kasalukuyan nang tinatrabaho nila sa DPWH.
Kasunod nito’y binanggit ni Dizon na magiging posible ang tuluyang paglilinis ng ahensya kung buo ang magiging suporta ng kongreso dito.
“Masisigurado ba natin na mawawala na [ang katiwalian sa ahensya?] Kung maisasagawa po natin ang mga reporma with the support of the congress, mangyayari po ‘yan,” kumpiyansang tugon ni Dizon.
Gayunpaman, nilinaw niya rin na magiging proseso ito at hindi biglaan.
“Pero ito po ay proseso. This will not happen overnight. This is a process of reform, of change, that needs to be relentless, that needs to be consistent. There is no silver bullet. Kahit na po ibaba natin lahat ng presyo ng materyales, hindi magic bullet ‘yan para po ma-solve ‘to,” paglilinaw ni Dizon.
“So, with the support of congress and [the] will of the President, we can do it but it is a process. We need to be relentless and consistent with the reforms that we will be initiating,” dagdag pa niya.
Sa kaugnay na ulat, umupo bilang resource person ng Bicameral Conference Committee si Dizon para ipaliwanag ang hiling ng ahensya na maibalik ang mga pondong unang tinapysan dahil sa umano’y overpriced construction materials sa ilang proyekto.
MAKI-BALITA: 'Tinapyasang budget, pinababalik!' DPWH Sec. Dizon, nagpaliwanag sa bicam panel
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, kinuwestiyon pagpapatawag kay Sec. Dizon: 'This is a bicam conference committee!'
Sean Antonio/BALITA