Tila uminit ang palitan ng salita sa Bicameral Conference Committee hearing matapos banatan ni Sen. Imee Marcos si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kaugnay ng hiling ng ahensya na maibalik ang mga pondong unang tinapyasan dahil sa umano’y overpriced na construction materials sa ilang proyekto.
Ipinatawag ng bicameral panel si Dizon upang magpaliwanag sa naturang hiling. Gayunman, bago pa man siya tuluyang makaupo bilang resource speaker, nagkaroon muna ng diskusyon sa hanay ng mga mambabatas kung kinakailangan pa ba siyang imbitahan, dahil dumaan na umano sa budget hearings ang DPWH sa mga nagdaang buwan.
Kaugnay nito, ipinaalala ni Sen. Loren Legarda na miyembro ng komite sa hanay ng Senado, na mismong si Sec. Dizon ang unang nagsabi na nararapat lamang kaltasan ang mga proyektong may overpriced na materyales, batay na rin direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., upang masimulan na ang reporma sa kontrobersiyal na ahensya, dulot ng korapsyon sa maanomalyang flood control project.
Ayon pa kay Legarda, malinaw noon ang tindig ng DPWH Secretary pagdating sa pagtitipid at pagtanggal ng labis na gastos sa mga proyekto.
Sa kaniyang panig, iginiit ni Dizon na ang direktiba na tapyasan ang halaga ng mga materyales sa mga proyekto ng DPWH ay nagmula mismo kay PBBM bilang bahagi ng kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon at sa maling paggamit ng pondo ng bayan, subalit batay pa rin sa pagbusisi ng ahensya, makakaapekto naman sa iba pang proyekto ng DPWH kung mababawasan ang budget para sa mga ito.
Gayunman, binigyang-diin din ni Dizon na kung lubusang babawasan ang kabuuang budget ng DPWH, maaaring maapektuhan ang iba pang mahahalagang proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa, hindi lamang ang mga may isyu ng overpriced na materyales.
Bilang tugon, sinabi ni Sen. Legarda na sana raw ay mas maaga pang ipinaabot ni Dizon sa bicameral panel ang kaniyang posisyon na huwag nang bawasan ang pondo, upang maiwasan ang kalituhan at tensyon sa proseso ng pagtalakay sa budget.
Sa kalagitnaan ng pagdinig, tinanong ni Sen. Marcos si Sec. Dizon kung mayroon na bang isinasagawang early procurement ang DPWH, na sinagot naman ng kalihim na wala pa raw. Dito na sinabi ni Marcos na tila “naglolokohan” na lamang ang sitwasyon, dahil noong una ay pumayag si Dizon na bawasan ang budget ng ahensya bunsod ng isyu ng overpriced na proyekto, ngunit ngayon ay hinihiling naman umano nitong ibalik ang naturang pondo.
Giit pa ni Marcos, kung wala palang tiwala si Dizon sa mga district engineer ng DPWH pagdating sa tamang paggastos at implementasyon ng proyekto, mas mainam na raw na palitan o tanggalin na lamang ang mga ito.
Depensa naman ni Dizon, hindi raw dapat matigil o mawala ang mga proyekto ng DPWH dahil mahalaga ang mga ito sa pagpapatuloy ng mga imprastrakturang pangangailangan ng bansa. Aniya, may mas malawak na epekto sa ekonomiya at serbisyo-publiko kung lubusang mababawasan ang pondo ng ahensya.
Subalit mariing bumuwelta si Sen. Imee at sinabi, “Hindi kita pinahihinto sa trabaho mo, pinamamadali nga namin, ikaw ang humihinto sa trabaho namin dito,” na tumutukoy sa umano’y pabago-bagong posisyon ng kalihim na nakaaapekto sa trabaho ng Kongreso sa pagbusisi ng pambansang budget.
Nilinaw naman ni Dizon na hindi raw pabago-bago ang kaniyang mga sinasabi, at inilalatag lamang ang epekto ng pagtatapyas ng budget ng ahensya sa iba pang mga proyekto nito sa 2026.
Samantala, mababasa naman sa Facebook posts ng senadora ang mga pahabol pa niyang banat laban sa DPWH Sec.
"Secretary Vince, hindi kita pinahihinto sa trabaho mo, pinapamadali nga namin. IKAW ANG HUMIHINTO SA TRABAHO NAMIN DITO SA BICAM," aniya.
Sa isa pang Facebook post, "At ano ang garantiya natin na sa loob ng dalawang buwan na naman, after two months, he may change his mind again as he has, apparently, yesterday."
"So from September 18, kahapon December... naku, baka naman sa Pebrero iba na naman ang usapin - AYOKO NAMAN NG GANITO."
"ANO KAYA TALAGA ANG DIREKSYON NATIN?" aniya pa.
Kaugnay na Balita: 'Tinapyasang budget, pinababalik!' DPWH Sec. Dizon, nagpaliwanag sa bicam panel