Kinaaliwan sa social media ang naging panayam ni Asia’s King of Talk na si Boy Abunda kina Bianca De Vera, Will Ashley, at Dustin Yu sa kaniyang showbiz-oriented program na "Fast Talk with Boy Abunda," kung saan muling pinatunayan ng trio ang kanilang natural na chemistry at sense of humor.
Bibida kasi ang tatlo sa kauna-unahan nilang pelikulang lahok sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF) na "Love You So Bad" na co-production ng Star Cinema, GMA Pictures, at Regal Entertainment.
Sa naturang interview, isa sa mga diretsahang tanong ni Boy kay Bianca ay kung “Sino ang dadalhin mo sa impiyerno at sino ang dadalhin mo sa langit?” na patungkol sa dalawa niyang katambal na sina Will at Dustin.
Noong una, halatang parang hirap si Bianca kung sinong pipiliin niya sa dalawa, pero sa huli, pinili niya si Will na dadalhin niya sa langit.
“Siguro ang dadalhin ko sa langit ay si Will, because I think he deserves all the good things in life," anang Bianca.
Ngunit mas lalong ikinatuwa ng audience ang kasunod na pahayag ni Bianca tungkol kay Dustin. Bagama’t sinabi niyang deserve rin ni Dustin ang lahat ng magagandang bagay sa buhay, pabirong dagdag niya, “But he deserves to go to hell kasi naniniwala rin ako na kaya niya ’yong impiyerno.”
Natawa naman si Dustin sa biro at game na tinanggap ang sagot, na lalong nagpakita ng kanilang pagiging komportable sa isa’t isa.
Nang matanong naman si Bianca kung kanino siya sasama, sinabi niyang "fallen angel" na lang siya para mapuntahan niya pareho.
Masaya naman si Will na sa langit siya dadalhin ni Bianca, pero hirit niyang biro, huwag daw muna ngayon dahil bata pa siya at marami pa siyang pangarap.
Nagsimulang magkaroon ng "love triangle" sa kanilang tatlo matapos ang stint nila sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Season 1." Final duo sina Bianca at Dustin na tinawag na "DustBia" bago sila tuluyang ma-evict. Second Big Placer naman si Will at duo niyang si Kapamilya actor Ralph De Leon o kilala naman sa tawag na "RaWi."
Dahil sa kanilang pinagsamang karisma at nabuo nilang solid fanbase sa loob ng Bahay ni Kuya, inaabangan ngayon ng mga tagahanga kung paano nila dadalhin ang kanilang samahan mula reality show patungo sa big screen.
Kaugnay na Balita: Bianca De Vera, kering pagsabayin 2 lalaki sa isang relasyon?