December 15, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga legasiya ni ‘FPJ’ sa industriya ng pelikula

BALITAnaw: Mga legasiya ni ‘FPJ’ sa industriya ng pelikula
Photo courtesy: FDCP (website)

Bilang komemorasyon sa ika-21 taon ng kamatayan ni “Da King” Fernando Poe Jr. (FPJ) nag-alay ng misa at dasal ang kaniyang pamilya kasama ang ilang taga-suporta sa Manila North Cemetery nitong Linggo, Disyembre 14. 

Ilan sa mga dumalo sa nasabing komemorasyon ay ang mga kapamilya na sina dating senadora Grace Poe, Partylist Rep. Brian Poe, at dating katrabaho at beteranong aktor na si Rez Cortez. 

“Saludo ako sa 'yo at sa napakarami mong taga-hanga, Papa Ronnie! 21 years na ang nakalipas ngunit patuloy na nagtitipon ang iyong pamilya, mga kaibigan, at mga tagasuporta para gunitain at parangalan ang legasiyang iniwan mo sa amin. Mahal na mahal ka naming lahat, Da King FPJ!” pagkilala ng apo ni FPJ na si Rep. Brian sa kaniyang social media post. 

“Mahigit dalawang dekada ng pag-alala sa legasiya na iniwan mo sa mamamayang Pilipino. Patuloy kang ehemplo ng kabutihan at pagiging matulungin sa Kapwa. Di ka namin nalilimutan,” ani naman ng anak na si dating Senadora Grace Poe. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Dahil sa nananatiling mainit na mga pagsuportang ito sa kabila ng higit dalawang dekada niyang pagpanaw, mas kilalanin si Da King at ang ilan sa mga legasiyang iniwan niya sa industriya ng pelikulang Pinoy: 

Ipinanganak bilang Ronald Allan Kelley Poe noong Agosto 20, 1939, ang bansag niyang “FPJ” ay ginamit niya sa pagpasok sa mundo ng pelikula. 

Kung saan dito ay kinilala siya bilang “Da King” o “King of the Philippine Movies” dahil sa matagumpay niyang karera sa industriya bilang action star, na bukod sa kinatampukan niya ay naging direktor at producer din siya, kung saan ginamit niya ang mga alias na D’Lanor at Ronwaldo Reyes.

Base sa lathala ng Kahimyang, lumabas sa higit-kumulang 300 pelikula si FPJ simula 1955 hanggang 2003. 

Ilan sa mga pinakatumatak niyang pelikula sa industriya ay ang mga sumusunod: 

1. Asedillo (1971)

2. Pagbabalik ng Lawin (1975)

3. Ang Panday (1980)

4. Isang Bala Ka Lang (1983)

5. Ang Padrino (1984)

6. Walang Matigas na Tinapay sa Mainit na Kape (1994)

7. Kahit Butas ng Karayom…Papasukin Ko (1995)

8. Ang Probinsyano (1997)

9. Isusumbong Kita sa Tatay Ko (1999)

10. Batas ng Lansangan (2002)

Ayon sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), si FPJ ay nakatanggap ng limang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards sa pagiging Best Actor, at dalawa naman para sa Best Director awards para sa mga pelikula niyang Ang Padrino (1984) at Kahit Butas ng Karayom, Papasukin Ko (1995).

Sean Antonio/BALITA