Pumukaw ng atensyon sa social media ang panawagan tungkol sa isang 30-anyos na babaeng nakatakda na sanang ikasal ngayong araw ng Linggo, Disyembre 14, subalit ilang araw nang nawawala, dahilan upang emosyunal na manawagan ng tulong sa publiko ang kaniyang fiancé at mga kaanak.
Kinilala ang nawawalang babae na si Sherra De Juan. Ayon sa impormasyong nasa poster tungkol sa kaniya, huli siyang namataan sa North Fairview Petron, Quezon City noong Disyembre 10, 2025. Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, ikalimang araw na umano ng paghahanap sa kaniya.
Nag-alok din ang pamilya ng ₱20,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa agarang pagkakatagpo kay Sherra.
Lubhang emosyonal naman ang naging social media post ng fiancé ni Sherra na si Mark Arjay Reyes sa isang social media post, na sana ay unang araw na nila bilang mag-asawa.
“Today 9 years and 11 months na tayo as BF/GF, 1st day sana as husband and wife. Dapat masaya tayo ngayon kasi ito ang pangarap nating dalawa,” ani Mark.
“Pero ito na ang ika-5th day ng paghahanap namin sa’yo at sobrang bigat sa pakiramdam na lumilipas ang mga araw na hindi ka namin nakikita. Mas mahalaga na sa akin na makita ka at safe ka kaysa mag-walk down the aisle o sabihin sa’yo ang mga inihanda kong vows.”
Dagdag pa niya, mas pipiliin nilang ipagdiwang ang pagbabalik ni Sherra nang ligtas kaysa ituloy ang kasal na wala siya.
“Naniniwala ako na we will still have our wedding day, mahal ko, Sherra De Juan. Uwi ka na please. Miss na miss na miss kita at sobrang mahal na mahal kita,” aniya pa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mark, sinabi niyang bagama't naireport na nila sa pulisya ang nangyari, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang lead kung saan nagpunta o anong nangyari kay Sherra.
"Wala pa rin pong lead. 'Yong same [copy] CCTV namin no'ng first day ng paghanap namin, 'yon pa rin ang meron kami," aniya.
Mas nakadaragdag sa suliranin at hirap sa paghahanap sa kaniya ang pagkaiwan ni Sherra sa cellphone niya sa bahay. Hindi raw nadala ni Sherra ang cellphone nang araw na mawala siya.
Ang huling mensahe raw sa kaniya ng fiancee ay "Gora na me Mahal. Di Ko na dalhin cp nag charge pa e."
Bago mawala, nagpaalam daw si Sherra na bibili lang ng wedding shoes para sa big day nila.
Patuloy ang panawagan ni Mark, pamilya at mga kaibigan ni Sherra sa publiko na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanila o sa pinakamalapit na awtoridad, kung magkaroon ng lead kung nasaan ang nawawalang bride.
Maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero:
0967-1270-266
0917-8368-166
0912-3353-694
Maaari ding makipag-ugnayan sa social media account ni Mark kung sakaling may lead kay Sherra.