Lumalabas na away-aso o "dog fight" ang umano'y lumulutang na dahilan kung bakit naputol ang dila ng asong si "Kobe" mula sa Valenzuela City kamakailan, batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kaugnay ito sa panawagan ng furparent ni Kobe na si Rodlee Rivera - Zulueta para sa hustisya, matapos niyang ihayag sa kaniyang social media post ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang alagang aso.
“Humihingi po kami ng tulong na maituro kung sino man ang gumawa nito sa aso namin. Nakita po namin ang putol na dila sa Aratiles St. kung saan nasundan namin ang dugo mula sa aming bahay patungo sa pinangyarihan kung saan napulot namin mismo doon ang putol na dila ng aming aso. Handa po kaming mag sampa ng kaso sa walang hiyang taong tumarantado sa aso namin,” saad ni Rodlee sa kaniyang post.
Ayon sa mga ulat, may saksi raw na nakipag-ugnayan sa Valenzuela police na ibinahagi ang rason sa likod ng naputol na dila ni Kobe.
Aniya, napaaway raw ito sa grupo ng mga aso, matapos na makatakas mula sa bahay ng kaniyang owner.
May isang aso raw doon na direktang kinagat ang dila ni Kobe, dahilan para maputol ito.
Noong una raw ay akala niya, pisngi ni Kobe ang kagat ng aso—napagtanto na lamang niya na sa dila pala ito kinagat nang makitang maputol ang parteng iyon.
Sinalaysay niya ring hindi niya nagawang awatin ang mga aso, sa takot na siya ay kagatin ng mga ito.
Napaulat ding unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ni Kobe, habang patuloy pa rin ang pagpapagaling nito.
Kamakailan lang ay matatandaang nag-alok si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ng ₱100,000 pabuya para sa makapagtuturo kung sino nga ba ang salarin sa likod ng naputol na dila ni Kobe.
Vincent Gutierrez/BALITA