December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?

Ambagan nauwi sa Jombagan: Lalaki, binugbog dahil hindi nag-ambag sa Christmas party?
Photo courtesy: Freepik/Pexels

Panahon na naman ng kaliwa't kanang Christmas party at year-end gatherings hindi lamang sa mga magkakapamilya, magkakamag-anak, o magkakaibigan kundi lalong-lalo na sa iba't ibang kompanya; isang tradisyon na itong talagang inaabangan ng mga empleyado.

At siyempre, bagama't may ilang mga kompanyang sagot nila ang mga gastusin sa party, may ilan ding hindi maiiwasang mag-ambagan lalo na para sa pagkain.

Kaya naman, naging usap-usapan sa social media ang isang post patungkol sa umano'y lalaki sa Cavite na sinuntok ng kaniyang katrabaho matapos daw na hindi mag-ambag sa Christmas party.

Bagama't hindi masasabing kumpirmadong totoo ang balitang ito, umabot sa 201k ang laugh reactions, 22k shares, at 4.8k comments ang nabanggit na post mula sa "Cavite Balita," dahil mukhang marami ang naka-relate.

Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Posible pala?’ Puting uwak, naispatan sa Mindanao

Mababasa sa post, "Sariwa pa ang sugat sa ilong ni 'Mark' matapos masuntok ng katrabaho dahil umano sa hindi pag-aambag nito sa kanilang Christmas party. Ayon kay Mark, dala din umano ito ng kalasingan kaya nagkainitan ang magkakatrabaho. Nagkasundo naman ang magkabilang panig at nagkaayos din."

Tila naka-relate naman dito ang mga netizen kaya nauwi pa rin sa pagbibigay ng reaksiyon at komento, lalo na sa panahon ngayon ng Christmas parties.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:

"Baka kuripot"

"Huy wala naman pilitan hahaha."

"Totoo ba 'to hahahaha."

"Guys, wag ganito ah hahaha."

"Makapag-ambag na nga hahaha."

Sa kaugnay namang balita, totoo man o hindi ang post na ito, malinaw naman ang isinasaad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bawal pilitin ang kahit na sinong empleyado sa Christmas party, pagdating naman sa pagsasayaw o performance.

Puwedeng magreklamo ang isang empleyado kung siya ay sapilitang pinasasayaw sa Christmas party.

Binanggit din ng DOLE na ayon sa Labor Code na hindi maaaring pilitin ang isang empleyado na sumali o mag-perform, lalo na kung ito ay labas o hindi parte ng kaniyang trabaho. Maaari daw isampa ang reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC).

Kaugnay na Balita: Empleyadong sapilitang pinapasayaw sa Christmas party, puwedeng magreklamo—DOLE

PUWEDE BA ANG MANDATORY AMBAGAN SA CHRISTMAS PARTY?

Samantala, ipinaliwanag naman ng isang abogado-content creator na si Yuichi Ken Sekiguchi kung puwede bang hindi dumalo sa Christmas party, at kung hindi dumalo, ay magbabayad pa rin sa ambagan?

Paliwanag ng abogado, ang company engagement/activities, gaya ng Christmas parties, ay pawang boluntaryo lamang, lalo na kung ginanap ito sa labas o beyond working hours/day.

Ngayon, kapag daw hindi dumalo ang isang empleyado at pinagbabayad o pinag-aambag pa rin, ito raw ay malinaw na paglabag sa Labor Code.

Ito raw ay paglabag sa Article 116 ng Labor Code na tumutukoy sa "Withholding Wages and Kickbacks Prohibited" lalo na kung nanakot, namumuwersa, o nagbantang iho-hold ang suweldo kapag hindi nag-ambag, at sa pagkakataong ito, puwede pa rin itong idulog o ireklamo sa NLRC o DOLE. 

                                                                - - -

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.