Nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na habang naglabas sila ng Memorandum Circular na magpapataw ng multa sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na magca-cancel ng booking trips ng mga pasahero, bibigyan pa rin nila ng pagkakataon magpaliwanag ang mga ito bago sila magpataw ng penalty.
“Kung justified naman po ‘yong pagca-cancel, hindi naman natin ipe-penalize ‘yong driver. And as we said also here, isho-show cause pa naman natin ‘yong driver para mapagbigyan sila magpaliwanag,” saad ni Mendoza sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News noong Biyernes, Disyembre 12.
Base sa LTFRB MC 2025-055 na nilagdaan ng LTFRB, sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni Lopez, noong Huwebes, Disyembre 11, ang pagpapataw ng multa ay partikular sa TNVS drivers na magkakansela ng booking sa hindi makatarungang dahilan katulad ng traffic, short distance trips, o kaya’y pagkakaroon ng diskriminasyon sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), o iba pang miyembro ng vulnerable sector.
“Matindi ang epekto ng biglaan at garapalang booking cancellation sa mga TNVS dahil ang pinag-uusapan dito ay kahalagahan ng oras ng mananakay na maaring makompromiso ng ganitong modus,” saad ni Mendoza.
Sa inisyatibang ito, layon ng ahensya na matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
“This is also a matter of safety and welfare of the passengers because it involves hope of convenience and all of a sudden, the booking is cancelled. What if it also involves emergency situations tapos bigla-bilang cancel ng walang dahilan,” pagsasaalang-alang ni Mendoza.
Ang TNVS drivers na mapapatawan ng violation ay inoobliga magbayad ng ₱5,000.00 sa first offense; ₱10,000.00 at impounding ng sasakyan sa loob ng 30 araw sa second offense; at ₱15,000.00 multa sa third offense kasama ang kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) kung saan ang sasakyan na gamit ay awtorisado.
Sa kaugnay na ulat, ipinaalala ni DOTr Sec. Lopez sa drivers na isang “public interest” ang kanilang trabaho, kung kaya’t may kaakibat itong mga pananagutan at responsibilidad.
“Ang parati ko pong sinasabi, pag pumasok ka sa ganitong klaseng trabaho, this is imbued with public interest. Ibig sabihin, hindi lang mas mataas na antas ang hinihingi namin sa inyo pagdating sa pag-iingat, ‘yung sinasabi nating extra-ordinary diligence. Pero, humihingi rin kami ng mas mataas na antas ng obligasyon at responsibilidad,” ani Lopez.
MAKI-BALITA: Mga isnaberong driver na magkakansela ng booking, planong i-penalize ng DOTr
Sean Antonio/BALITA