December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

Tanza, Cavite, ‘di raw kaya makipagsabayan sa Pamasko food packs; babawi sa public hospital

Tanza, Cavite, ‘di raw kaya makipagsabayan sa Pamasko food packs; babawi sa public hospital
Photo courtesy: screengrab from Matro Bros/FB

Naglabas ng opisyal na pahayag si Tanza, Cavite Mayor SM Matro hinggil sa nauusong Pamaskong food packs sa bawat karatig bayan sa naturang lalawigan.

Sa video message na isinapubliko ng alkalde sa kaniyang opisyal na Facebook account noong Biyernes, Disyembre 12, 2025, dumipensa siya kung bakat hindi raw kinaya ng Tanza na makipagsabayan sa ilang karatig bayan hinggil sa pamimigay ng Pamasko food packs.

“Inuna po natin ang ating publikong ospital na mapagawa at ngayon ginagawa na po ang ating publikong ospital,” anang alkalde.

Dagdag pa niya, “‘Yang ospital na 'yan, 'yan po yung zero billing natin. 'Yan po yung walang cashier, pasalamat po tayo sa ating mga taxpayers at matatayo na po 'yan.”

Probinsya

Higit ₱10M halaga ng marijuana, nasabat sa Ilocos Sur

Saad pa ng alkalde, bagama’t hindi raw nila kayang pantayan ang mga Pamasko food packs sa iba’t ibang bayan, hindi raw nila hahayaang walang matanggap ang ilang daang libong pamilya para sa Kapaskuhan.

Sa nasabing video, ipinakita ng alkalde ang pack ng spaghetti set na kanila raw ipinamahagi sa tinatayang 120,000 pamilya sa Tanza.

“Bagama't ganun po, nakagawa pa rin tayo ng paraan. Yung atin pong nasa 120,000 families... ay magbibigay din po tayo ng kahit papanon ay pamaskong handog,” saad ni Matro.

Aniya, “Pagpasenyahan niyo na po 'to, ito lang po ang nakayanan ng ating lokal na pamahalaan. Maraming salamat po sa ating taxpayers.”

Paniniguro pa niya, “Ako po'y nahihiya sa inyo pero talaga hong wala po tayong magawa...Pero 'wag po kayong mag-alala, sa susunod na taon... mas madami ho tayong ipamimigay na pamaksong handog kada pamilya po sa bayan ng Tanza.”