Kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos kung bakit wala ang budget proposal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa dokumentong ibinigay sa panel sa isinasagawang Bicameral Conference Committee meeting nitong Sabado, Disyembre 13.
"Malinawagan lang sana ang menorya, 'pagkat wala po akong nakikitang budget ng DPWH at kung transparency ang habol natin, bakit wala rito ang pinagmulan ng pagpopoot at kawalang-kumpiyansa ng taumbayan sa atin?" saad ni Marcos sa naturang meeting.
"Dapat mag-umpisa ang usapin dito sa Public Works pero wala sa anumang papel, sa 9-page summary o dito man sa ibinigay sa atin kahapon lamang na reconciliation of disagreement provisions. Bakit wala pong budget yung DPWH?" tanong ng senadora.
Sinagot naman ito ni Senate Finance Chair Win Gatchalian na bukas pa ang schedule ng pagtatalakay nila sa proposed budget ng DPWH.
"Ang schedule po ng DPWH ay bukas po [Disyembre 14]," ani Gatchalian.
"Paano natin malalaman at maihahambing ang iba't ibang department kung may kulang? At bakit DPWH lang ang nawawala sa talakayan?" sagot ni Marcos.
"Actually may mga ibang items pa ho na bukas po itatalakay katulad po ng special purpose funds, unprogrammed appropriations," giit ni Gatchalian.
"Ang unprogrammed nandito," saad ng Senadora.
"Tomorrow po 'yan pag-uusapan," paglilinaw ni Gatchalian.
"Pero nandito naman yung unprogrammed at hinanap ko talaga... kaya pinagtataka ko kung bakit yung DPWH wala po, at kung tatalakayin bukas maaari bang ibigay sa amin nang mas maaga sapagkat yung committee report kung maalala ko ay mahigit-kumulang isang libo at limang daang pahina," dagdag pa ni Marcos.
"Noted po. We'll provide her honor the documents ahead of time," sagot ng Senate finance chair.