Nagpaabot ng matinding pagkadismaya at kalungkutan ang award-winning actor na si John Arcilla matapos niyang ibahagi sa social media ang reaksiyon sa isang video na may kaugnayan sa malagim na sinapit ng asong si Axle.
Si Axle, ay isang American bully dog, na pinaghahampas ng isang lalaki sa ulo, na naganap sa Sadanga, Mountain Province noong Disyembre 4.
Kinalampag ng mga netizen ang awtoridad na papanagutin ang nabanggit na suspek, lalo't may batas hinggil sa animal cruelty.
Sa kaniyang social media post, ikinuwento ni Arcilla na sinubukan niyang panoorin ang ipinadalang video sa kaniya ngunit hindi niya ito kinayang tapusin. Ayon sa aktor, ilang segundo pa lamang ay napapikit na siya at agad na pinatay ang video dahil sa matinding emosyon na idinulot nito sa kaniya, lalo't isa siyang dog lover.
Ibinahagi ni John na labis siyang naapektuhan ng maririnig na iyak at sigaw ng aso, na aniya’y parang isang inosenteng batang humihingi ng saklolo. Hindi raw niya napigilan ang mapaluha at humagulgol, bagay na lalo pang nagpabigat sa kaniyang damdamin.
"Sinubukan kong i-play ang video mo Axle na sinend sakin. Isang segundo lang pumikit na ako at in-off ko agad. Yung palahaw ng iyak mo, habang sumisigaw ka sa sakit na parang ka-awa awang bata, hindi ko kinaya. Tumulo yung luha ko. Humagulhol ako," aniya.
Sa parehong post, mariin niyang kinuwestiyon ang pag-iisip ng mga taong kayang manakit ng isang walang kalaban-labang nilalang. Aniya, hindi niya maunawaan kung paanong may mga tao pa ring nananatiling marahas at tila walang konsensiya, sa kabila ng modernong panahon.
"Hindi ko maintindihan kung bakit sa panahon na ito ay may mga tao na ang oryentasyon pa din ay BARBARO. Parang mga taong yungib pa din mag isip. Hindi ko maintindihan kung papaano nagiging bayolente ang isang tao sa harap ng isang parang batang inosente at ma-among namimilipit sa sakit ni hindi man lumalaban o tumatakbo," saad niya.
Binanggit din ng aktor ang kanyang pagkabigla sa kawalan ng aksiyon ng mga nakasaksi sa insidente. Ayon sa kaniya, mas masakit isipin na nangyari ang pananakit sa harap ng maraming tao ngunit wala umanong tumulong o umawat habang patuloy na sinasaktan ang aso.
Dahil sa bigat ng kanyang naramdaman, sinabi ni John na nahirapan siyang makatulog matapos mapanood ang video. Aniya, hanggang sa kanyang pagpapahinga ay dala-dala niya ang lungkot at galit sa nangyari.
"At hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila ng napakaraming tao habang nangyayari ito ay wala man lamang lumingon o umawat habang ikaw ay hinahataw sa ulo. Nahirapan akong matulog," aniya pa.
Sa isa pang Facebook post, mariing kinondena ni Arcilla ang inhustisya kay Axle, at nanawagang papanagutin ang salarin sa nangyari sa kaniya.
"Hindi lang ito tungkol sa isang aso."
"Ito ay tungkol sa isang komunidad na piniling tumahimik, sa isang opisyal ng gobyerno na inabuso ang kapangyarihan, at sa isang nilalang na walang laban na pinaslang sa harap ng kasiyahan."
"Si Axle ay hindi ingay sa paligid, hindi aksidente, at hindi dapat naglaho nang parang walang nakakita. Ang kanyang buhay ay hindi dapat itinapon at tinabunan lang ng kawalang paki alam o isang salu-salo."
"Kapag ang isang aso ay kayang patayin sa gitna ng komunidad o lupon ng mga tao at walang kumilos, ano pa kaya ang pwedeng gawin sa mga hindi nakikita at hindi pinapakinggan?"
"Axle’s Life Matters — dahil ang habag, katarungan, at prinsipyo ay dapat mas malakas kaysa sa takot at tahimik na pakikisama."
"HUSTISYA para kay Axle ang panawagan natin kahit nagpabayad na ang “fur parent” Hindi din kasi kinokonsiderang valid na ebidensiya sa korte ang CCTV kung walang indibidwal na nakakita at tetestigo. Kung may lalabas na testigo at mag rereklamo sa kinauukulan, mananagot sa Batas ang pumatay kay Axle."
"Kung walang magrereklamo at tetestigo mula sa nakakita ng aktuwal. Mananatiling isang insidenteng walang silbi na lamang ang pagkamatay ni Axle," aniya pa.
Samantala, maging si Sen. Win Gatchalian, isinusulong na rin ang mas may "ngiping" batas sa pagpaparusa laban sa mga nananakit ng hayop. Nag-ugat naman ito sa isang kaso ng isang alagang asong pinutulan ng dila sa Valenzuela City.
"Mariin kong kinokondena ang walang awang pagtrato sa isang aso sa Valenzuela, kung saan pinutulan ito ng dila ng hindi pa nakikilalang salarin."
"Hindi natin sasantuhin ang ganitong uri ng karahasan laban sa tinagurian nating ‘man’s best friend.’"
"Ang sinumang gumawa ng ganitong kabangisan ay nagpapakita ng kawalan ng pagkatao at paggalang sa buhay. Dapat siyang mahuli agad at sinumang hindi trumato nang tama sa ating mga alagang aso."
"Papanagutin sila sa buong bigat ng batas!" aniya pa.