Pormal nang nagsumite ng courtesy resignation si Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo S. Momo Sr. bilang miyembro ng Bicameral Conference Committee, na tumatalakay sa General Appropriations Bill para sa Fiscal Year 2026, ayon sa kaniyang inilabas na opisyal na pahayag.
Ayon kay Momo, ginawa niya ang desisyon bilang paggalang sa mga institusyong demokratiko at sa kaniyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
Aniya, hindi naging madali ang kaniyang pagbibitiw at dumaan ito sa masusing pagninilay, kasabay ng buong kamalayan sa bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kaniya bilang mambabatas.
Lumutang ang hakbang matapos maisampa ang isang kaso sa Office of the Ombudsman na kinasasangkutan umano niya at ilang miyembro ng kaniyang pamilya, mga paratang na mariin niyang itinanggi.
Giit ng kongresista, ang mga akusasyon ay walang basehan, hindi totoo, at may bahid ng pulitika.
Bilang pag-iingat at sa ngalan ng delicadeza, pinili raw ni Momo na pansamantalang umatras sa naturang komite upang hindi madamay sa kontrobersiya ang Kongreso. Aniya, mas mahalaga ang integridad ng institusyon kaysa sa personal na posisyon.
“Not admission of guilt," mariing pahayag ni Momo. Aniya, ang kaniyang pagbibitiw ay patunay ng pagpapahalaga sa dangal, integridad, pananagutan, at respeto sa mga institusyon; mga prinsipyong dapat umanong sundin ng bawat lingkod-bayan.
Buong kumpiyansa rin ang kongresista na lalabas ang katotohanan sa tamang proseso ng batas. Malugod niyang tinatanggap ang imbestigasyon at iginiit na ang isang taong malinis ang konsensiya ay hindi dapat matakot sa pagsisiyasat.
Sa kabila ng kaniyang pag-atras sa komite, tiniyak ni Momo na mananatili siyang aktibong kinatawan ng unang distrito ng Surigao del Sur.
Aniya, tuloy-tuloy at hindi matitinag ang kaniyang serbisyo sa kaniyang mga nasasakupan at sa sambayanang Pilipino.
Nagpasalamat din siya sa House leadership sa tiwalang ibinigay sa kaniya, gayundin sa kaniyang constituents sa patuloy na suporta.
Hiling niyang hayaang ang tamang forum ang humusga, kung saan katotohanan at hindi propaganda ang mananaig.
Tinapos ni Momo ang kaniyang pahayag sa pangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod nang may kababaang-loob, tapang, at matibay na paninindigan sa katotohanan.
Photo courtesy: Romeo Momo Sr/FB