Inamin ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid na imbyerna na rin siya sa mga nangyayari sa pamahalaan, lalo na pagdating sa iba't ibang isyu kagaya ng katiwalian, kaya naman naisip daw niyang magpadala na ng sulat at makipag-usap na kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Nauwi ang usapan nila sa vlog nina Janno Gibbs at Bing Loyzaga tungkol dito matapos aminin ni Songbird na pagdating sa usaping pamamahala ng pera sa kanilang bahay, mas mahusay raw mag-budget ang mister na si Ogie Alcasid, lalo na pagdating sa gastusin sa grocery.
Aniya, aminado siyang may pagkakataong napapasobra ang gastos niya kapag nadadala ng emosyon.
Gayunman, pabiro ngunit may laman ang paliwanag ni Regine: para sa kaniya, may mga sandaling dapat ding ipagmalaki ang pinaghirapan. Ayon sa kaniya, karapatan ng isang tao na i-enjoy ang bunga ng sariling pagsisikap.
“Dapat mag-flex tayo ngayon dahil pinaghirapan natin ‘yan," anang Regine.
Bukod dito, napansin naman ni Janno na mas prangka at mas matapang na raw ngayon ang singer lalo na sa paglalabas ng mga saloobin at reaksiyon niya sa mga nangyayari sa lipunan, sa pamamagitan ng social media posts.
Kaugnay na Balita: 'Kakapal ng mukha n'yo!' Regine nagngitngit sa lahat ng sangay ng gobyernong walang malasakit
Esplika naman ni Ate Reg na hindi naman siya likas na politikal na tao, pero aniya, hindi raw niya kayang manahimik na lang kapag may nakikita siyang mali o kawalan ng katarungan. Binanggit nga niya ang isang napag-usapang insidente sa Cebu na labis umanong nakaapekto sa kaniya.
Karaniwan daw niyang unang naiisip na gawin ay tumulong sa pamamagitan ng donasyon, ngunit may mga pagkakataong nakararamdam siya ng matinding pagkadismaya. Aniya, bagama’t may kakayahan siyang tumulong, may limitasyon pa rin ang kanyang nagagawa, bagay na minsan ay nagiging sanhi ng kanyang frustration.
“‘Yong tendency ko lagi, magdo-donate ako. Magdo-donate ako! Nai-stress din ako and yet I can’t do anything about it. Na nafu-frustrate ako. Na may pinaghirapan akong pangalan, so I think, I can do something, pero mari-realize ko na, wala… do’n ako nafu-frustrate," aniya.
Hindi rin itinago ni Regine ang pagkainis sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, partikular sa mga isyung may kinalaman sa pamamahala at paggamit ng pondo.
Aniya, masakit isipin na ang pinaghirapan ng mga mamamayan ay tila napupunta lamang sa maling direksiyon, habang patuloy pa ring nararanasan ng bansa ang mga problemang gaya ng pagbaha; isang suliraning matagal na umanong may nakahandang programa.
Dahil dito, isiniwalat ni Regine na naisipan niyang sumulat kay PBBM. Gusto raw niyang humingi ng suporta at atensiyon ng pamahalaan para sa mas malawak na pangangalaga sa kalikasan, partikular sa Sierra Madre. Nais din umano niyang makakuha ng pirma mula sa iba’t ibang personalidad sa industriya upang palakasin ang panawagan.
“Sa politika ngayon, because of what’s happening, because of what’s going on, naiinis din ako, na ‘yong pinaghirapan ko, napupunta lang pala sa kanila, apparently," na tumutukoy marahil sa mga kurakot.
"But more than that, I don’t like na hanggang ngayon, binabaha pa rin tayo. Anong nangyayari? They have a program for that..."
“Gusto kong sulatan si Mr. President..."
"Gusto kong magpapirma sa buong industry to protect, not just Sierra Madre, but the Mother Nature itself. Petisyon lang..."
Nagkabiruan pa na susuportahan nila si Ate Reg kung tatakbo siyang Vice President sa 2028.
“’Yon ang gusto kong gawin, I wanted to ask an audience from Mr. President," aniya pa.
Sundot naman ni Bing, sana raw ay magising na ang mga kababayan lalo na sa mga nangyayari ngayon.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol dito.