December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'
Photo courtesy: Freepik/via MB

Nakuha mo na ba ang 13th month pay mo?

Ang 13th month pay ay isang obligadong benepisyo sa Pilipinas na ibinibigay sa mga empleyado, bukod pa sa kanilang regular na sahod. Katumbas ito ng isang buwang sahod, o mas eksakto, isang ikalabindalawa (1/12) ng kabuuang sahod ng empleyado sa loob ng isang taon.

Lahat ng rank-and-file employees sa pribadong sektor, basta’t nakapagtrabaho ng kahit isang buwan sa loob ng taon, ay may karapatan tumanggap nito, regardless kung regular, probationary, o contractual.

Ayon sa batas, dapat itong ibigay nang hindi lalampas sa Disyembre 24 bawat taon. May ilang kompanyang hinahati ito, halimbawa, kalahati sa kalagitnaan ng taon, kalahati sa Disyembre.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Malaking tulong ito lalo na sa panggastos sa Pasko, bayarin, at pangangailangan ng pamilya, kaya’t madalas nagiging sensitibong usapin kapag may alitan sa paggamit nito.

Sa madaling sabi, ang 13th month pay ay karapatan ng empleyado at isa sa pinakainaabangang benepisyo ng mga manggagawang Pilipino tuwing Kapaskuhan, at na-eextend pa ang gastos sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Kaya naman, umani ng samu’t saring reaksiyon sa social media ang isang post na ibinahagi sa Facebook page na "Pinoy-Pop Coolture" matapos magbahagi ang isang babae ng umano’y hindi pagkakaunawaan nila ng kaniyang asawa kaugnay sa 13th month pay.

Batay sa post, inamin ng misis na alam niya ang password ng cellphone, Facebook, at mobile banking ng kaniyang asawa. Aniya, nang makita niyang may pumasok na 13th month pay, agad niya itong kinuha at inilipat sa sarili niyang account upang gamitin umano sa gastusin sa bahay.

“Alam ko password ng phone, FB at mobile banking ng asawa ko. Nakita ko may 13th month na siya kaya kinuha ko na para panggastos namin sa bahay,” ayon sa kaniyang salaysay. Kalakip ng post ang screenshot ng conversation thread nila ng mister.

Gayunman, nagalit umano ang mister nang mapansin ang pagkawala ng pera at nagtanong sa chat kung:

“Kinuha mo ba ‘yung 40k sa account ko?” mababasang tanong ng mister sa misis.

Diretsahang sagot naman ng misis: “Oo, tinransfer ko sa account ko.”

Dito na umano lumala ang pagtatalo matapos siyang sabihan ng asawa ng: “Kupal mo naman, sana nagsabi ka muna sa akin.”

Depensa naman ng misis, may karapatan siya sa naturang pera dahil sila ay kasal. Dagdag pa niya, inunahan na lamang niya itong kunin dahil baka magastos pa raw ng asawa sa ibang bagay.

“Hoy, may karapatan ako sa pera mo. At ibibigay mo rin naman ‘yan sa akin, in-advance ko lang. Baka magastos mo pa sa iba ‘yan,” aniya sa palitan ng mensahe.

Makikita rin sa screenshot ang reaksiyon ng mister na tila hindi sang-ayon, kabilang ang thumbs down emoji, habang may isang netizen namang nagpahayag ng pagsuporta sa ginawa ng misis.

“Tama ‘yan, mare. Kinuha mo na, baka gastusin niya pa ‘yan sa babae," mababasang komento.

Photo courtesy: Pinoy-Pop Coolture/FB

Dahil dito, muling nabuksan ang diskusyon online tungkol sa pinansiyal na hangganan sa mag-asawa, kung hanggang saan ba ang karapatan ng bawat isa sa kinikita ng kanilang kabiyak, at kung sapat bang dahilan ang pagiging kasal upang galawin ang pera nang walang paalam.

"A little respect goes a long way no matter what kind of relationship you have with each other."

"Hmm? As a wife, also married (lol)..I always ask permission even if my husband says kuha lang Ako anytime in terms of financial. You can't expect respect if you can't even offer one."

"Yan din sinasabi ng asawa ko okay lang kumuha pero magpaalam muna."

"Brother, thank you for taking one for the team."

"Yes tama lang yan baka mamaya ipambabae pa."

"Jusko kahit kasal na kami ng asawa ko never ko pinangunahan yung pera nya. Gusto ko sya mismo nag aabot sakin kumbaga respeto na lang sa pera na pinaghirapan nya. At masaya nadin ako sa kung ano lang mabibigay nya sakin as long as napo provide nya mga needs namin especially sa nag iisang anak namin."

Ikaw, anong palagay mo tungkol dito?


                                                                  - - -

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.