December 13, 2025

Home BALITA

Mahigit 100 Pinoy, lumikas dahil sa sigalot ng Thailand-Cambodia

Mahigit 100 Pinoy, lumikas dahil sa sigalot ng Thailand-Cambodia
Photo courtesy: vai AP News

Inilikas ang hindi bababa sa 118 Pilipino mula sa hangganan ng Thailand at Cambodia sa gitna ng nagpapatuloy na sagupaan sa lugar, ayon kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes.

Sa panayam ng Philippine Olympic Committee Media, sinabi ni Cruz-Paredes na karamihan sa mga inilikas ay mga gurong nagtatrabaho sa Thailand. Ayon sa kaniya, ang mga inilikas ay mula sa mga lalawigang pinakaapektado ng kaguluhan.

“There are about, parang sa last count namin, 118 Filipinos na nasama sa pag-evacuate at ligtas naman sila,” ani Cruz-Paredes.

Ayon pa sa kaniya, mahigit 350 na dokumentadong Pilipino ang naninirahan sa pitong lalawigan na nasa hangganan ng Thailand, ngunit 118 lamang ang naapektuhan at kinailangang ilikas.

National

‘Be sensitive!’ DOH, nagpaalala na isaalang-alang damdamin ng iba ngayong holiday season

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Bangkok na ligtas ang lahat ng Pilipino sa lugar at wala namang naitalang nawawala o nasugatan.

“No Filipino is in trouble. Lahat ay ligtas, lahat ay accounted for,” dagdag pa ni Cruz-Paredes.

Karamihan sa mga inilikas ay mga guro na naapektuhan ng suspensiyon ng klase sa mga paaralan sa mga lalawigan sa hangganan dahil sa kaguluhan.

Sinabi ni Cruz-Paredes na nagbibigay ang embahada ng tulong pinansyal sa mga apektadong Pilipino dahil saklaw ang mga guro ng patakarang “no work, no pay” habang suspendido ang klase.

“Financial assistance [binibigay namin] depende sa situation, depende sa circumstances. Mga teachers sila na nagtuturo doon sa area kung saan nangyayari ang armed clashes. Dahil may armed clashes doon, suspended lahat ng klase at sa kanila, no work, no pay,” giit niya.

Dagdag pa niya, nagbibigay rin ng tulong ang pamahalaan ng Thailand sa mga inilikas na Pilipino.

Sinabi ng Philippine Embassy sa Thailand na mahigpit nilang mino-monitor ang kalagayan ng mga inilikas.

“Marami din na pinagpuntahan na evacuation centers. May iba rin naman na nakitira na lang muna sa mga kamag-anak o kaibigan nila. So kalat-kalat. Pero na-mo-monitor namin, we are able to talk to them,” ani Cruz-Paredes.

Batay sa pinakahuling datos ng embahada, tinatayang nasa 40,000 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Thailand.