Dinikdik ng tirada ni Anti-poverty czar Larry Gadon si Vice President Sara Duterte matapos lumutang ang.alegasyon ng nagpakilalang bag man umano nito na si Ramil Madriaga.
Sa isang video statement ni Gadon nitong Sabado, Disyembre 13, sinabi ni Gadon na dapat nang magbitiw si VP Sara sa kasalukuyan nitong posisyon dahil wala na itong moral ground para mamuno.
“At itong affidavit nitong si Madriaga ay punong-puno ng mga katotohanan. Magmula sa mga detalye, sa mga pangalan, at sa mga lugar, talagang makikita mo ‘yong mga detalye at ‘yong mga pangyayari ay talagang makatotohanan kaya dapat itong si Sara ay mag-resign,” saad pa ni Gadon.
Bukod dito, pinuntirya din ng Anti-poverty czar ang kapasidad ni VP Sara na mag-isip.
Aniya, “Dapat lang na mag-resign ka dahil wala ka namang alam, napakababaw ng utak mo. Isa kang boba, saksakan ka ng boba hindi ka marunong magsalita. “
“Lahat na lang gusto mo basahin. Walang laman yang ulo mo. You cannot even speak straight English, you cannot expound your thoughts. Pa’no na ‘yan, wala ka man lamang statesmanship on anything,” dugtong pa ni Gadon.
Kaugnay na Balita: Palasyo, iminungkahing hintayin sagot ni VP Sara kaugnay sa alegasyon ng lumitaw na 'bag man'
Samantala, sa isang pahayag nito ring Sabado, nanawagan si VP Sara sa mga Pilipino na maging mapanuri at huwag magpadala sa kaliwa’t kanang paninira laban sa kaniya.
Maki-Balita: 'Wag magpadala sa paninira!' VP Sara, hinikayat maging mapanuri mga Pilipino
Matatandaang sinampahan na siya ng plunder at iba pang kaso sa Office of the Ombudsman (OMB) kasama ang 14 pang opisyal noong Disyembre 12.
Ito ay dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng kaniyang opisina at sa panahon ng paninilbihan ng Bise Presidente bilang kalihim sa Department of Education (DepEd).
Maki-Balita: VP Sara kinasuhan ng plunder, atbp. sa Ombudsman