Tila hindi sang-ayon si Sen. Imee Marcos sa paglaki pa umano ng budget para sa Basic Education Facilities ng Department of Education (DepEd) sa kabila umano ng 22 resulta lamang na mga silid-aralan ang naipatayo nitong 2025.
Ayon sa naging bicameral conference committee meeting ng mga mambabatas mula sa Senado at House of the Representative nitong Sabado, Disyembre 13, pinuntirya niya sa gitna ng deliberation para sa budget sa Digitalization Project ang aniya’y paglaki pa ng pondo para sa Basic Education Facilities ng DepEd.
“Itong Basic Education Facilities, medyo ito ang mabigat ang galawan kasi nakita natin dito sa GAA 2025, 28.1 billion [pesos] noong 2025 tapos no’ng NEP 28.056 [billion pesos] ang nilagay ng Pangulo at ng DBM sapagka’t alam din natin na 22 lang ang classroom na naipatayo,” saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, “At ang disbursement rate nila ay bagsak na bagsak sa 23 percent. Ngunit dinagdagan ng Kongreso ng 63 billion [pesos] mahigit at lumobo pa Senado nang 85 billion [pesos].”
Ani Marcos, hindi naman daw siya tumututol sa pagdagdag ng classroom ngunit kinuwestiyon niya kung tama raw na hindi nagagastos ang pondo pero nadaragdagan pa ito.
“Hindi ako tumututol sa pagdagdag ng classroom. Ang tinatanong ko lang, tama ba ang ginagawa natin? Hindi nagagastos, dagdag tayo nang dagdag,” aniya.
“Bilyon-bilyon, nag-umpisa 28 [billion pesos], ‘di magastos, 23 percent lang ang accomplishment. Lumobo sa 63 [billion pesos] at lumaki pa lalo sa 85 [billion pesos],” paghihimay pa niya.
Sinagot naman ito ni Sen. Win Gatchalian at nilinaw niya sa naunang senador na kulang ng aabot sa 165,000 na classroom ang bansa at nagkakahalaga ito ng ₱400 bilyon.
“Ang backlog po natin sa classrooms is about 165,000 at kailangan po tayong mag-allocate ng about 400 billion pesos para lang makahabol. So ito po ay hindi pa nga po tayo nakakahabol dito,” paliwanag niya.
“Ito ay para lang ma-decongest lang natin ‘yong mga highly urbanized areas,” pahabol pa niya.
Samantala, nilinaw rin ni Gatchalian kay Marcos na may plano umano ang DepEd na makipag-ugnayan sa mga Local Government Units, Civil Society Organization (CSO), at Non-Governmental Organization (NGO) para sabay-sabay na makapagpagawa ng classroom at hindi lang aasa sa ahensya ng Department of Public Works and Highways.
MAKI-BALITA: Sen. Bato at iba pa, 'di sumipot sa bicam conference committee meeting para sa 2026 nat’l budget
MAKI-BALITA: Sen. Imee, kinuwestiyon bakit wala budget proposal ng DPWH sa Bicam meeting
Mc Vincent Mirabuna/Balita