Nagpaabot ng paalala at pakiusap ang Kapuso actress na si Nadine Samonte sa publiko kaugnay ng dumaraming mensaheng natatanggap niya tuwing Disyembre, at sasapit na ang Kapaskuhan.
Sa isang social media post, pabiro pero prangkang sinabi ni Nadine na nauunawaan niyang panahon ng pagbibigay at pagbibigayan ang Pasko. Gayunman, iginiit niya na ang pagtulong at pagbabahagi ay hindi lamang dapat tuwing Disyembre.
Ayon sa aktres, hindi raw niya ikinakatuwa na bigla na lamang siyang nakatatanggap ng mga mensahe mula sa mga taong buong taon ay hindi naman siya kinakausap o kinukumusta, ngunit tuwing Pasko ay nagiging aktibo sa paghingi ng tulong.
"Dear People, alam ko this is the time of giving kasi its Christmas pero kahit hindi pasko we share."
Sa parehong post, sinamahan ng biro ng aktres ang kanyang mensahe. Aniya, kung tuwing Pasko lang siya naaalala, baka tuwing Disyembre na rin daw siya magkaroon ng “amnesia" o sakit sa pagkawala ng memorya.
"So ang issue ko is wag nyo naman ako i message ng nanghihinge kasi pasko or something na buong taon hindi nyo naman ako pinapansin tuwing December nyo lang ba ako naaalala pwes tuwing December ako magkakaroon ng Amnesia just saying," aniya pa.
Photo courtesy: Nadine Samonte Chua Family Page/FB
Ibinahagi rin ni Nadine ang nabanggit na post sa kaniyang Instagram story.
Umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens ang naturang post, kung saan marami ang nakaunawa at sumang-ayon sa panawagan ng aktres para sa mas tapat at hindi "oportunistang" pakikipag-ugnayan.
"I understand you Ms. Nadine may pamilya ka na and nagbibusiness ka nga para sa inyo. Wag naman sana silang magalit if nagka amnesia ka na."
"Hindi nmn siguro sa hindi ka pinapansin ,cguro naglalike share and comment nmn sila sau buong taon sa lahat ng post mo ..un cguro ang gusto nilang svhin , anyway nsa sau naman yan if bibigyan mo or papansinin mo sila.- just saying."
"korek may isang taon preparation if gusto nila may money sa pasko..bakit di nag extra income from january to November."
"Hehe enjoy lang ang life blessed your family po"
Ikaw, naka-relate ka ba sa mga sinabi ni Nadine?