December 13, 2025

Home BALITA National

‘Be sensitive!’ DOH, nagpaalala na isaalang-alang damdamin ng iba ngayong holiday season

‘Be sensitive!’ DOH, nagpaalala na isaalang-alang damdamin ng iba ngayong holiday season
Photo courtesy: DZMM Teleradyo via DOH (FB), MB

“Nako, ang taba mo na!” 

Ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa mga Pinoy ang pagsasaalang-alang sa damdamin ng iba sa pagdalo sa mga reunion ngayong holiday season. 

Sa panayam ni DOH Sec. Ted Herbosa sa DZMM Teleradyo kasama si Dr. Rodney Boncajes na isang Medical Specialist IV sa National Center for Mental Health nitong Sabado, Disyembre 13, ibinahagi nila na may negatibong epekto sa mental health ang dating ng “microaggression” statements o mga komentong may laman, na madalas kritikal  sa pisikal na katangian ng isang tao o estado nito sa buhay. 

“Usually comparison na statements na medyo insensitive ang dating, so, physical. Sabi natin [‘yong] ‘tumaba ka,’ [o] ‘pumayat ka.’ Without really acknowledging the main reason why it is so,” saad ni Boncajes nang tanungin kung ano ang statements na madalas sinasabi sa mga reunion pero nakakasakit ng damdamin. 

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

“For example, there could be people na mayroon pala silang medical conditions, mayroong hypothyroidism, diabetes, kaya pala sila lumalaki or undergoing a medical procedure. Pangalawa, ‘yong comparison, microaggression statements, ‘oh, bakit wala pa kayong anak?’ ‘kailangan kayo mag-aanak?’ o ‘kailan ka mag-aabroad,’” paliwanag pa niya. 

Kadalasan daw, dahil hindi naiintindihan ng nagsasalita ang epekto ng kaniyang sinasabi, ang mga salitang pahaging na ito ay nagdudulot ng pakiramdam na hindi komportable. 

Bukod pa raw rito, dahil na rin likas sa mga Pinoy ang pagkimkim ng nararamdaman nila, nagiging ugat ito ng stress sa emosyon. 

“Be sensitive enough and somehow, empathic, doon sa sasabihin natin na salita, at kung ano ‘yong katayuan ng kausap natin no’ng moment na ‘yon,” abiso ni Boncajes.

Nang tanungin hinggil sa kadalasang sentimiyento na mas sensitibo ang henerasyon ng kabataan ngayon kaysa sa matatanda, nilinaw ni Boncajes na iba raw talaga ang kasalukuyang panahon dahil sa patuloy na paglaganap ng mental health awareness kaysa noon. 

“Ang mahalaga, maging open minded tayo sa isa’t isa at tingnan natin kung ano ‘yong sitwasyon ngayon, because definitely, there are differences. Iba ‘yong sitwasyon noon, iba ‘yong sitwasyon sa panahon natin sa ngayon. “Mas nagiging aware na rin ‘yong mga tao sa mental health” paliwanag ni Boncajes. 

“Marami kaming experiences na may comparison, ‘noon namang panahon namin walang mental health.’ It’s because maybe, the lack of awareness or knowledge about it. Pero in reality, mayroon naman talaga because sabi nga natin hindi ba, mental health is an integral part of well-being, or there’s no health without mental health,” dagdag pa ni Boncajes. 

Kasama rin daw sa factors ng pagkukumpara ay ang patuloy na pag-usbong ng social media, kung kaya, kinakailangan daw talaga ang pagkakaintindihan. 

Sa pahayag naman ng DOH sa kanilang social media, inabiso nila para sa mga nangangailangan ng kausap, na mangyari lamang tumawag sa crisis hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) na 1553. 

Sean Antonio/BALITA